PUNA ni JOEL O. AMONGO
BILYUN-BILYONG pisong halaga ng nickel ang hinahakot palabas ng Sta. Cruz, Zambales ng isang minahan, pero ang kakarampot na sweldo ng kanilang mga guwardiya na nangangalaga sa kanilang mga buhay at ari-arian, ay hindi nila maibigay?
Anong klaseng kumpanya ‘yan? Pamunuan ng ERAMEN MINERALS INC., wala ba kayong mga puso? O sadyang gahaman kayo sa kita? NAGTATANONG LANG PO, BINIBINING ERIKA?
Atrasado ang sweldo ng mga guwardiya n’yo! Hindi isang linggo. Hindi isang buwan. Buwan na ang pinag-uusapan! Habang ang mga boss ng minahan, tama nga ba Ma’am Fernandez? Nasa malamig na aircon ng opisina, kumakain ng steak at iba pang masasarap na pagkain, ang mga guwardiya sa gate, kumakalam ang sikmura, ulam nila tuyo, kamatis,
‘pag sinuwerte minsan ay sardinas. Hindi ba kayo naaawa sa kanila?
Ang mga guwardiya ang unang sumasalo ng bala o nakaharap sa mapanganib na sitwasyon, pero sila ang inyong pinagkakaitan ng suweldo na dapat ay napakikinabangan na ng kani-kanilang mga pamilya. Sila ang nabibilad sa init, nauulanan sa bundok, tapos ayaw n’yo silang pasahurin? Nasaan ang puso ninyo?
Ito ang sakit ng ilang minahan sa Sta. Cruz, Zambales. Meyor, Sangguniang Bayan Members, taga-Barangay at pati na rin ang tanggapan ng gobernador, alam niyo na ba ito? Kaya raw magpadulas, kayang magbigay ng royalty, at iba pa para lang hindi mahadlangan ang kanilang operasyon? Pero ang sweldo ng maliliit na tao ay hindi naibibigay?
Attention sa bagong talagang secretary ng Department of Labor and Employment (DOLE) Francis Tolentino, Sir, baka naman pwede n’yo nang pakialaman itong isyu na ang nakararanas ng kaapihan ay ang mga ordinaryong manggagawa.
Patunayan n’yo na maaasahan kayo ng mga Pilipino pagdating sa pangangailangan, saan kukuha ng ipapakain sa kanilang pamilya ang mga guwardiya na ito kung wala silang makukuhang sweldo sa kumpanyang kanilang pinaglilingkuran? Malinaw naman sa Labor Code ng Pilipinas na lahat ng mga manggagawa ay nararapat na nakukuha nila ang kanilang sweldo kasama ng iba pang benepisyo, depende sa minimum kung saan sila nakabaseng lugar.
Hindi mga bihag ang mga guwardiya na ito ng ERAMEN MINERALS, INC. kaya karapatan nilang kumuha ng kanilang mga suweldo batay sa oras na ginugugol nila sa kanilang trabaho sa kumpanya. Dapat gumawa rin ng aksyon ang Mines and Geoscience Bureau (MGB) kung sumusunod nga ba ang ERAMEN MINERALS, INC. sa mga batas at alituntunin sa pagmimina.
Sa mga guwardiya naman ng LONGINUS’ SPEAR SECURITY AGENCY— huwag kayong matakot, dahil karapatan niyo ang inyong ipinaglalaban, hindi limos ang inyong kinukuhang sweldo, na pinuhunan ng inyong dugo at pawis.
At sa may-ari ng minahan at ibang opisyal nito, magbayad kayo ng suweldo ng inyong mga guwardiya kaysa naman habambuhay kayo uusigin ng inyong mga konsensya na may naapakan kayong mga ordinaryong manggagawa.
Sinikap po nating makuha ang panig ng ERAMEN MINERALS INC., subalit hindi natin sila makontak. Maaari po nila tayo makontak sa cell# 0962-394-3098.
-oOo-
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
98 