Storm surge, flash floods, landslides ibinabala EMONG TYPHOON CATEGORY NA, MGA LUGAR SA SIGNAL NO. 3 NADAGDAGAN

NAGLABAS ng matinding babala nitong Huwebes ang Office of Civil Defense (OCD) kaugnay ng tumataas na panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa at posibleng storm surge sa Hilaga at Gitnang Luzon at ilang bahagi ng Metro Manila, bunsod ng tuloy-tuloy na pag-ulan.

Ito ay kasunod ng pahayag ng state weather bureau na naabot na ng Bagyong Emong ang Typhoon Category habang napanatili naman ni Dante ang taglay na lakas habang tinatahak ang landas palabas ng area of responsibility ng Pilipinas.

Dahilan para madagdagan pa ang mga lugar na inilagay sa ilalim ng Warning Signal no. 3 sa bahagi ng Hilagang Luzon kaya patuloy pa rin ang mga pag-ulan kasabay ng nararanasang Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon sa babala ng PAGASA, nanatiling may banta ng storm surge o matataas na daluyong sa pitong probinsya sa Northern Luzon, dahil sa pag-iral ng bagyong Emong at bagyong Dante.

Base sa inilabas na storm surge warning ng state weather bureau nitong Hulyo 24, posibleng umabot mula isa hanggang dalawang metro ang taas ng mga daluyong sa susunod na 36 na oras.

Lumakas pa ang Bagyong Emong na ngayon ay nasa Typhoon Category na habang patuloy itong kumikilos nang mabagal sa West Philippine Sea.

Nanatiling nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal number 3 sa Hilagang bahagi ng Pangasinan (Anda, Bolinao, Bani),

Kanlurang bahagi ng La Union (Luna, Balaoan, Bacnotan, San Juan, San Fernando City, Bauang, Caba, Bangar),

Timog-kanlurang bahagi ng Ilocos Sur (San Esteban, Santiago, Candon City, Santa Lucia, Santa Cruz, Tagudin).

Signal number 2 sa Ilocos Norte, nalalabing bahagi ng Ilocos Sur at La Union, gitnang bahagi ng Pangasinan, buong Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Babuyan Islands, hilaga at kanlurang bahagi ng mainland Cagayan, at kanlurang bahagi ng Nueva Vizcaya.

Paalala ng State Weather Bureau sa publiko, nasa hanggang walumpung (80) siyudad at munisipalidad na pawang nakaharap sa karagatan ang inaasahang maaapektuhan.

Kinabibilangan ito ng mga malalaking syudad tulad ng Lingayen City, Dagupan City, Alaminos City, sa Pangasinan, San Fernando City, La Union; Vigan at Candon sa Ilocos Sur, Laoag City, Ilocos Norte; Aparri, Cagayan, at ang capital ng Batanes na Basco, at Zambales provincial capital ng Iba.

Pinapayuhan ang mga nakatira sa coastal communities sa mga naturang probinsya na iwasang magtungo sa mga dalampasigan. Pinakakansela rin ng weather bureau ang lahat ng marine activities, fishing activities, at iba pang pinaplanong gawin sa mga karagatan.

Inaasahang maglalabas ng karagdagang storm surge warning ang weather bureau ngayon hapon, habang patuloy na nagbabanta ang mga bagyo sa Northern at Extreme Northern Luzon.

“Dahil nga tuloy-tuloy ang pag-ulan, mataas pa rin ang posibilidad na magkaroon ng patuloy na pagbaha at pagguho ng lupa sa mga lugar na itinuturing na high risk,” ayon kay OCD Officer-in-Charge Assistant Secretary Raffy Alejandro IV.

“Mahigpit naming binabantayan ang mga lugar na ito batay sa datos mula sa DENR-MGB at agad kaming naglalabas ng babala kapag kinakailangan,” dagdag pa ni Alejandro

Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OCD sa mga lokal na pamahalaan (LGUs) upang maisagawa ang mga pre-emptive evacuation at masigurong ligtas ang mga komunidad.

Ayon sa Mines and Geosciences Bureau (MGB), halos 3,000 barangay sa buong bansa ang kabilang sa mga lugar na may mataas na panganib ng pagbaha at pagguho ng lupa.

Ang pinaigting na koordinasyong ito ay alinsunod sa whole-of-government at whole-of-society approach na itinataguyod ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na layuning pag-isahin ang lahat ng sektor sa pagtugon sa mga sakuna at sa pagligtas ng buhay.

Ang mga kasalukuyang hakbang ng ahensya ay isinasagawa sa ilalim ng pamumuno ni Kalihim ng Tanggulang Pambansa Gilberto C. Teodoro Jr., na nagsisiguro ng maayos, estratehiko, at maagap na tugon ng gobyerno sa iba’t ibang ahensya at rehiyon.

“Ang kailangan lang natin sa ating mga komunidad ay maging maingat at makinig sa mga babala. Sabi nga ni Pangulong Marcos, sumunod sa mga abiso ng gobyerno,” dagdag ni Asec. Alejandro.

Nanatiling pangunahing hamon ang matinding pagbaha sa National Capital Region, Gitnang Luzon, at Region IV-A, na hanggang ngayon ay ramdam pa rin ang epekto ng Tropical Cyclone Crising, sunod-sunod na low-pressure area, at habagat. (JESSE RUIZ)

 

143

Related posts

Leave a Comment