BULACAN – Dalawang hoarder umano ng alcohol at disinfectant ang nakorner nang pinagsanib na mga operatiba ng Special Concern Unit, 301st Regional Mobile Force Battalion at Bulacan 1st Provincial Mobile Force, makaraang kumagat sa inilatag na entrapment operation sa Barangay Batia, sa bayan ng Bocaue sa lalawigang ito, noong Biyernes.
Base sa report na isinumite kay P/Brig. Gen. Rhodel Sermonia, Regional Director ng Police Regional Office 3 (PRO3) kinilala ang mga arestado na sina Emmuel Payabyab y Cruz at Mark David y Menguez, kapwa ng Barangay Batia, Bocaue, nakadetine ngayon at nahaharap sa kasong paglabag sa RA 7394 (Consumer Act) at RA 7581 as amended by RA 10623 (Profiteering/Hoarding of Isopropyl Alcohol).
Nabatid na noong umaga ng Biyernes nang magkasa ng entrapment operation ang pinagsanib na mga operatiba ng Bulacan PNP at Regional Office ng PRO3 na nakabase sa Camp Olivas, San Fernando, Pampanga, matapos ang impormasyong pagho-hoard ng alcohol at disinfectant ng dalawang suspek sa Barangay Batia, Bocaue.
Hindi nakalapag ang mga suspek nang arestuhin ng mga awtoridad makaraang kumagat sa pain ng mga pulis.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 30 piraso ng puting plastic container/galloon ng Isopropyl alcohol, 434 piraso ng puting plastic container/galloon na may lamang hydro-based disinfectant, P500 marked money, isang kopya ng delivery receipt na may kabuuang halaga na P346,650 na inisyu ng suspek na si Payabyab.
Nakadetine na ang dalawang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kanila. (GINA BORLONGAN)
250
