CHAIRMAN IREREKLAMO SA DILG SA PAMIMIGAY NG BIGAS NA MAY AMAG

bigas12

BULACAN – Ipinatawag ni Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque at pinagalitan ang chairman ng Barangay Mapulang Lupa kasama ang iba pang barangay officials, dahil umano sa nakalusot na mga bigas na mayroong amag na ipinamimigay sa mga residente ng nasabing lugar.

Abot-abot na sermon ang tinanggap ni Brgy. Chairman Rogelio Leonardo at barangay officials, mula kay Mayor Roque matapos ipatawag sa munisipyo noong Biyernes upang magpaliwanag sa nadiskubreng relief packs na kinabibilangan ng bigas na may amag, bukbok at mga insekto.

Ayon kay Roque, isasampa niya sa Lunes sa Department of Interior and Local Government (DILG) ang naturang insidente upang mabigyan ng leksyon ang barangay chairman kasama ang isang kagawad at isang mother leader na pansamantalang ‘di pinangalanan.

Magugunitang ipinangako ng alkalde na may kalalagyan ang sino mang sangkot o kinalaman sa pamimigay ng nasabing reject relief goods sa mga residente ng Mapulang Lupa na ang tanggapan ng alkalde ang

unang pinagbintangan na nagmula ang mga bigas na ipinamamahagi.

“Kailangang managot sila dahil inilalagay nila sa kapahamakan ang kalusugan ng taumbayan, at bukod dito ay kulang-kulang pa ang laman ng pinamigay na food packs,” ani Roque.

Nabatid na nakatanggap ng reklamo ang tanggapan ng alkalde mula sa isang residente na hindi umano nila pakikinabangan ang ipinamimigay na food packs sa kanilang barangay dahil inaamag na ay may mga bukbok at insekto, na agad pinaimbestigahan ni Roque.

Noong una, itinanggi ito ng barangay kagawad at mother leader ngunit

sa ginanap na pulong matapos silang ipatawag, ay umamin din sila na mayroon nga silang napansin na mga amag sa ni-repack na bigas.

Bagama’t sinabi ni Chairman Leonardo na wala siyang alam sa nangyari, humingi ito ng paumanhin sa kanyang mga ka-barangay na nakatanggap ng nasabing inaamag na bigas. (ELOISA SILVERIO)

310

Related posts

Leave a Comment