CAVITE – Hinihinalang dahil lango sa ilegal na droga kaya sinakal ng isang ina ang kanyang 2-anyos na anak na nagresulta sa kamatayan nito sa Bacoor City noong Martes ng umaga.
Nasa kustodiya na ng Bacoor City Police si Rhina Maninang y Solis, 25, may live-in partner, ng Brgy. Talaba l, Bacoor City, ang suspek sa pagpatay sa 2-anyos niyang anak na lalaki.
Ayon sa ulat ni Police Staff Sergeant Kenneth Casaman ng Bacoor City Police, dakong alas-7:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa bahay ng mag-ina sa Brgy. Talaba 1.
Inihayag ng 6-anyos na kapatid ng biktima, nasaksihan niya ang pananakal ng kanyang ina sa kanyang nakababatang kapatid habang sila ay nakahiga sa kuwarto sa kanilang bahay.
Desidido naman si Sonny Gregorio y Ibarra, 33, live-in partner ng suspek, na sampahan ito ng kaso.
Kumbinsido ang pulisya na may kinalaman sa ilegal na droga ang motibo sa pagpatay ng suspek sa kanyang anak, dahil kilala umano itong isang drug user.
(SIGFRED ADSUARA)
