DINAKIP ng Quezon City Police District (QCPD), sa ilalim ng pamumuno ni Acting District Director Police Brigadier General (PBGEN) Christopher Olazo at sa pamamagitan ng La Loma Police Station (PS 1), na pinamumunuan ni Police Lieutenant Colonel Jose Luis Aguirre, ang dalawang suspek na may mga nakaraang rekord sa krimen dahil sa umano’y ilegal na pagmamay-ari ng baril sa Brgy. Balingasa, Quezon City.
Nabatid na ang mga suspek ay kinilalang sina alyas “John,” 37-anyos, residente ng Brgy. Ramon Magsaysay, at “Onal,” 21-anyos, residente ng Brgy. Unang Sigaw, parehong sa Quezon City.
Sinabi sa ulat ng QC Police, bandang alas-10:50 ng gabi noong Setyembre 29, 2026, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng PS 1 mula sa isang residente hinggil sa dalawang indibidwal na umano’y may dalang baril at nagdudulot ng pangamba sa lugar. Agad na tumugon ang mga pulis at dinakip ang dalawang suspek bandang alas-11:00 ng gabi matapos silang matagpuang may hawak na mga improvised na baril.
Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang improvised na baril na lokal na kilala bilang “sumpak,” parehong may lamang isang bala ng 12-gauge shotgun.
Napag-alaman sa karagdagang pag-verify na si alyas “John” ay may mga naunang kaso ng homicide noong Abril 27, 2021, at paglabag sa Republic Act (RA) No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) noong Marso 23, 2021.
Samantala, si alyas “Onal” ay may mga naunang kaso para sa paglabag sa Presidential Decree 1602 noong Abril 10, 2025, at Pebrero 26, 2025.
Nahaharap sa kaso ang naarestong mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office para sa paglabag sa RA No. 10591, o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
“Hindi natin palalampasin ang anomang ulat tungkol sa ilegal na pagdadala at paggamit ng baril. Agad tayong kikilos, katuwang ang komunidad, upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa Quezon City,” sinabi ni PBGen. Olazo.
(PAOLO SANTOS)
38 