2 LALAKING NANGGULPI SA EX-COP, HULI

HIMAS rehas ang dalawang lalaki habang pinaghahanap ang walong iba pa na nanggulpi sa isang retiradong pulis sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Nahaharap sa kasong attempted homicide ang mga naarestong sina Richard Mahilom, 33, mekaniko at Jonel Bentor, 37,  kapwa ng 36 B. Serrano Corner Asistio, Barangay 89, ng lungsod.

Ang mga suspek pa ang nagsoli ng baril ni Ariel Benzon, 54, ng Asistio St., East Grace Park, nang madala ang mga ito sa presinto.

Sa imbestigasyon, kinompronta umano ni Benzon ang isang grupo ng jeepney drivers nang biglang umeksena sina Mahilom at Bentor kasama ang walong iba pa at bigla na lang ginulpi ang dating pulis.

Tinangay pa ng mga ito ang kalibre .45 baril ng biktima kasama ang magazine.

Nakatakas na ang mga suspek nang rumesponde ang mga pulis sa kalapit na police community precinct.

Makalipas ang ilang oras, habang nagrereklamo si Benzon sa pulisya, dumating sina Mahilom at Bentor upang isoli ang baril na kanilang tinangay subalit inaresto sila ng mga pulis matapos ituro ng ex-cop na bumugbog sa kanya. Alain Ajero 

 

202

Related posts

Leave a Comment