Para sa BARMM election BUONG MINDANAO NAKA-FULL ALERT

(TOTO NABAJA)

INILAGAY na rin ng Philippine National Police (PNP) sa pinakamataas na alerto ang buong Mindanao nitong Lunes, Setyembre 14, kasabay ng idinaraos na kauna-unahang BARMM Parliamentary Election.

Nauna nang isinailalim sa full alert status ang Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) dahil sa halalan.

Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., naka-full alert na rin ang mga Police Regional Offices sa Regions 9, 10, 11, 12 at 13 hanggang sa katapusan ng Setyembre.

Magtatagal ang election period sa BARMM hanggang Setyembre 29.

Nauna nang inanunsyo ng PNP ang pagde-deploy ng 10,500 tauhan sa rehiyon, kabilang ang mga augmentation personnel mula sa ibang lugar.

Sa BARMM, 93 sa 105 bayan ang mahigpit na binabantayan bilang areas of concern, habang 27 dito ang nasa red alert category dahil sa presensya ng mga local terror group at iba pang aktibong banta.

Samantala, itinaas din ng Office of Civil Defense (OCD) ang alert status nito sa red alert para sa BARMM election.

Mananatili sa red alert ang OCD-BAR hanggang Setyembre 15 para sa mas mahigpit na monitoring, koordinasyon at operational readiness sa anomang emergency o insidente.

Ibababa naman sa blue alert ang status sa Setyembre 16, bago target na bumalik sa white alert sa Setyembre 17, depende sa sitwasyon at progreso ng election-related activities.

Under Comelec Control

KAHIT nabahiran ng dugo at may mga naitalang karahasan na ikinasawi ng tatlong tao bago magsimula ang kauna-unahang Bangsamoro Parliamentary Election, tiniyak ng Philippine Army na maidaraos pa rin ang 2026 BARMM polls nang payapa, maayos at ligtas sa pangkalahatan.

Ayon kay Army Spokesperson Col. Louie Dema-ala, bagamat may mga minor incident na naiulat, hindi ito dapat maging dahilan upang maantala ang democratic process o lumikha ng takot sa mga mamamayan.

Nanawagan din ang Hukbong Katihan sa mga botante, kandidato, supporters at iba pang stakeholders na manatiling kalmado at iwasan ang anomang karahasan o provocation.

“There is no place for atrocities, intimidation, or acts that threaten the safety of our communities during this important exercise of democracy,” ani Col. Dema-ala.

Ilang oras bago ang botohan ay nagkaroon ng shooting incident sa Cotabato City na ikinasawi ng tatlong tao. Nasundan ito ng isa pang insidente kahapon ng umaga na ikinasugat ng tatlong katao, kabilang ang isang pulis.

Sa Maluso, Basilan, nakapagtala rin ng mga pagsabog na nag-udyok sa Commission on Elections (COMELEC) na isailalim sa COMELEC control ang Cotabato City at Maluso, Basilan.

Nagdesisyon ang COMELEC en banc na ilagay sa ilalim ng kontrol nito ang Cotabato City dahil sa mga insidente ng pagpapaputok ng baril at pagsabog, kung saan isang improvised explosive device (IED) ang ginamit.

Samantala, natukoy na may problema sa mga balota sa 36 sa 68 presinto matapos matuklasang pre-shaded na ang mga official ballot.

Agad namang ipinag-utos ni COMELEC Chairman Erwin George Garcia ang reprinting ng mga balota para sa 36 presinto habang nagpapatuloy ang 2026 BARMM Parliamentary Elections sa ibang lugar.

Kontra Vote-Buying

KAUGNAY nito, pinalakas ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang kampanya laban sa vote-buying sa gitna ng 2026 BARMM Parliamentary Elections.

Sinabi ni IBP National President Atty. Allan Panolong na bahagi ito ng pakikipagtulungan ng organisasyon sa COMELEC upang matiyak ang maayos at malinis na halalan sa Bangsamoro.

Hinimok ng IBP ang publiko na agad ireport ang anumang insidente ng pamimili ng boto sa IBP Cotabato office o sa mga volunteer lawyer na nakatalaga at umiikot sa mga presinto sa buong rehiyon.

Nangasiwa rin ang IBP ng Legal Aid Help Desk sa Bangsamoro Electoral Office upang tumanggap ng mga reklamo, magbigay ng legal na gabay at mag-refer ng mga kaso kung kinakailangan.

Naka-deploy din sa iba’t ibang lugar ang ilang opisyal ng IBP bilang bahagi ng pinalakas na legal assistance efforts para sa halalan.

Personal namang bumisita si Panolong, kasama ang iba pang national officers ng IBP, sa iba’t ibang polling precinct upang obserbahan ang sitwasyon sa araw ng halalan.

Higit 700 Guro Umatras

HINDI nakapagsilbi bilang electoral board members ang mahigit 700 guro sa unang regular BARMM Parliamentary Elections.

Ayon kay COMELEC Chairman Erwin George Garcia, may ilan ding umatras sa mismong araw ng halalan.

Upang hindi maapektuhan ang operasyon ng mga presinto, agad na pumalit ang mga special electoral board.

“Due to different reasons, namimili ng presinto sila, ay kamag-anak ng ilang tumatakbo,” paliwanag ni Garcia.

Sa kabila ng pag-atras ng ilang guro, nanatiling bukas at gumana ang mga presinto sa mga apektadong lugar.

Giit ni Garcia, mahalaga ang agarang pagpapalit ng mga electoral board members upang magpatuloy ang botohan at marinig ang boses ng mga botante sa itinuturing na makasaysayang BARMM elections.

(May dagdag na ulat sina JESSE RUIZ/JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN)

45

Related posts

Leave a Comment