PASAWAY ANG DAHILAN NG PAGKALAT NG COVID-19

0

TINUMBOK ng Social Weather Survey (SWS) na ang pangunahing dahilan ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa ay maraming Filipino ang pasaway.

Sa SWS survey noong Abril 28 hanggang Mayo 2, ­mayroong 79 porsiyentong adult Filipinos ang nagsabing paglabag sa health protrocols ang pangunahing dahilan sa pagkalat ng COVID-19 sa bansa.

Labing-isang porsiyento naman ang nangatwirang kakulangan sa kahandaan ng gobyerno ang dahilan ng malalang COVID-19 at 10% lang ang naniniwalang bagong COVID-19 variants ang dahilan.

Anu-ano ba ang hindi sinusunod ng mga pasaway?

Ito ay ang ‘di pagsusuot ng face masks, face shields at physical distancing.

Nakapagpalala rin ang tinatawag na “superspreader” mula sa swimming picnic, inuman at iba pang pagtitipon ng ­maraming tao.

Narito ang tanong noong May 2021 survey: “In your opinion, which of the ­following is most responsible for ­stopping the spread of COVID-19?”

Ang sagot ng ­respondents: 33% sarili, 31% ­national ­government, 15% ­miyembro ng komunidad, 9% local ­government, 8% sariling pamilya at 4% health workers.

Bago isagawa ang nasabing sarbey, ang kaso ng ­COVID-19 ay umabot sa 15,280 noong Abril 3, samantala ang culmulative number ng mga kaso ay umabot sa 1 milyon noong Abril 27.

Kaya, kung patuloy na magiging pasaway ang taumbayan at hindi nila gagawin ang pagsusuot ng face masks, face shields at physical distancing ay magpapatuloy ang mabilis na hawaan ng virus.

Ayusin din dapat ng ­gobyerno ang trabaho nito dahil nakasaad sa sarbey na 11% ang naniniwalang kulang ito sa kahandaan.

Kung magtutulungan naman ang taumbayan at ­gobyerno, siguradong mababawasan ang 10% nagdahilan na mula sa bagong COVID-19 variants ang isa sa pinagmulan ng patuloy na paglala ng nasabing sakit.

Siyempre, makatutulong din ang bakuna na sinimulan na kamakalawa ang pagbabakuna sa A4 priority group na napakalaki ng populasyon.

Bagamat maraming dumarating na bakuna sa bansa, may problema pa rin tayo dahil ilang mga residente sa Metro Manila ay ayaw pa ring magpabakuna tulad na lamang sa Caloocan City dahil takot sila sa negatibo umanong epekto ng bakuna, partikular iyong galing sa China.

Dapat paigting pa ng ­pamahalaang lokal ng Caloocan ang information dissemination nito, o mas mabuti kung tutulungan ng Department of Health (DOH) ang lungsod, upang mahikayat ang mga residente na magpabakuna.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email ­joel2amongo@yahoo.com at ­operarioj45@gmail.com, o kaya magtext sa 0956-951-00-57.

Read More

NAGPAPARAMDAM NA SI MR. SECRETARY

0

PINANINIWALAAN ng mga taga-probinsya na naghahahanap na ng fallback ang isang miyembro ng ­Gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil walang ­kasiguraduhan na magkakaroon uli ito ng posisyon sa susunod na administrasyon.

At ang fallback: Gustong maging politiko na lang ng opisyal.

Kaya, sasali siya sa lokal, o national elections, para siguradong makapangyarihan siya kahit sino pa ang pumalit kay Duterte.

Nalaman ng inyong DPA, as in Deep Penetration Agent (DPA), na panay ang ikot ngayon ng Cabinet official sa iba’t ibang probinsya, lalo na sa Norte kung saan siya ipinanganak at nagkaisip.

Wala namang problema sa pag-ikot ng opisyal dahil sa kanyang puwesto sa ­gobyerno.

Kailangan talaga niyang puntahan ang mga ­probinsya dahil sa government projects.

Pero, ang ipinagtataka ng lahat ay bawat probinsya na pinupuntahan ng opisyal ay mayroon siyang iniiwasang mga tarpaulin na nagpapaalala sa mga tao na magsuot ng facemask, face shield, maghugas ng kamay at dumistansya ng hanggang dalawang metro ang bawat tao.

Bagamat may koordinasyon sa kanyang tanggapan ang Inter-Agency Task Force (IATF), walang direktang kinalaman si “Mr. Secretary” sa nasabing kampanya laban sa virus.

Ang malupit sa lahat ng pinakamalupit, hindi sa ­national language ng Pinoy na Tagalog isinulat ang mga paalala ni Mr. Secretary sa mga tao laban sa COVID-19, kundi sa local dialect ng mga residente ng mga probinsya.

Pero, ang talagang mas malupit sa pinakamalupit, mas malaki ang mukha ni Mr. ­Secretary sa mga letra ng kanyang paalala sa mga tao, kaya ang unang makikita ay ang kanyang mukha.

Pangalawa na lamang ang nakasulat sa tarpaulin.

Kung near sited ka, hindi mo mababasa ang mensahe ni Mr. Secretary.

Pero, malinaw na ­malinaw mong maaaninag ang kanyang malaking mukha, kaya ang tanong, tatakbo ba s’ya sa eleksyon?

Halos lahat ng bayan ay may tarpaulin si Mr. Secretary, kahit isang lugar lang ang pinuntahan niya.

Ngayon lang niya ito ginawa kahit maraming trahedyang nangyari.

Hindi lang malaman ng DPA kung ginagawa rin ito ni Mr. Secretary sa ibang panig ng bansa dahil kung ganito ang kanyang istilo ay tatakbo ito sa national elections.

Kung isang probinsya lang, tatakbo naman ito sa local elections.

Clue: Hindi masisisi si Mr. Secretary na maghanap ng power fallback dahil kapag ­naging presidente ang kanyang mortal na kaaway ay baka habulin siya.

Para makaiwas siya, kailangang magkroon siya ng puwesto na hindi siya basta-basta magagalaw.

Mayroon siyang inisyal na “T” as in Tatakbo ba s’ya?

Read More

KONTRA KORAPSYON NI BONG GO WALANG PATUNAY

0

KAMAKAILAN, kinuha ng Presidential Anti-Corruption Commission (-PACC) ang Philippine National Police (PNP) upang makatuwang ng una ang huli sa paglaban at pagsugpo sa korapsyon.

Bago maganap ang panunumpa ni General Guillermo Lorenzo Eleazar, mayroong ipinalabas ng dalawang video kung saan nagpahayag sina Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ng kani-kanilang pahayag laban sa korapsyon.

Kauna-unawa na magpahayag si Duterte dahil pangulo siya ng Pilipinas.

Si Go ay senador, ngunit hindi siya ang pangulo ng Senado.

Katunayan, bagitong senador si Go dahil unang panalo niya sa halalan.

Kaya, ‘di maarok ng isipan ko ang batayan ng pagpasok ni Go sa aktibidad ng PACC at PNP.

Pokaragat na ‘yan!

Gayunpaman, idiniin ni Bong Go na patuloy sila ni Duterte sa paglaban at pagsugpo sa korapsyon para sa mga Filipino.

Natatandaan kong sinabi ni Duterte nitong nakaraang taon na maging kritiko si Bong Go ng administrasyon – na batikusin at ibunyag ng senador ang talamak na katiwalian at korapsyon.

Ngunit, hanggang ­ngayon ay walang isinisiwalat at binabanatang mga opisyal ng pamahalaan si Bong Go na posibleng sangkot sa korapsyon.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi niya binibira ang Bureau of Immigration (BI) na napakasahol ng korapsyon.

Wala rin siyang banat sa Bureau of Customs (BOC) na hindi nabubura ang korapsyon.

Hindi tumulong si Go sa Senado upang malaman kung totoo ang ibinunyag ng ­magreretirong senador hinggil sa sindikato sa Department of Agriculture (DA) na bilyun-bilyong ang nakukulimbat na salapi sa importasyon ng karne.

Napakatahimik din ni Bong Go laban sa Department of Public Works and Highways (DPWH), samantalang mismong si Duterte na ang ­bumanat sa napakatalamak na korapsyon dito na pinamumunuan ni ­Secretary Mark Villar simula noong Hulyo, 2016.

Hindi ako makikipagdebate sa mga kawani ni Go sa Senado dahil walang dudang napakasipag ng bagitong senador sa paglalabas ng mga press statement, lalo na sa isyu ng kalusugan.

Bilang tagapangulo ng Senate Health Committee, hindi napakagtatakang naglalabas siya ng kanyang mga posisyon hinggil sa samu’t saring isyu sa kalusugan.

Ngunit, kahit isang beses ay hindi niya inilantad at binatikos ang korapsyon sa Department of Health (DOH).

Pokaragat na ‘yan!

Minsang inilabas ng isang senador na maraming sindikato raw sa DOH na matagal nang nangungulimbat ng pera ng kagawaran.

Hindi nga lang sinundan ng senador ang kanyang inihayag sa press statement.

Nang magsalita si Bong Go sa aktibidad ng PACC at PNP, wala siyang sinabi kay ­General Eleazar na ipatigil nito ang pagtanggap ng mga opisyal ng PNP ng pera mula sa mga gambling lord.

Read More

BULTO NG COVID VACCINES ILALAAN SA MGA LALAWIGAN

0

ISINIWALAT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang kanyang plano na maglaan ng mas maraming coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine doses sa mga lalawigan na napaulat na sumirit ang impeksyon.

Sinabi ni Pangulong Duterte sa naging panayam sa kanya ni Pastor Quiboloy ng SMNI News, Martes ng gabi na ang mga siyudad gaya ng Cebu, Cagayan, at Zamboanga ay makatatanggap ng mas malaking bulto ng suplay ng COVID-19 vaccines dahil sa agarang pagtaas ng kaso doon.

“This time, ‘yung ibang siyudad, bibigyan ng malaking allotment ,” he said. “May spike eh. Hindi kasi naniniwala. Hawaan nang hawaan. ‘Yan ang mahirap,” dagdag na pahayag nito.

Ang National Capital Region (NCR) Plus 8, na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, Rizal, Metro Cebu, Metro Davao, Batangas, at Pampanga, ay prayoridad para sa Covid-19 vaccination program.

Ang paglalaan ng COVID-19 vaccine doses sa Metro Manila at sa walong iba pang lugar ay depende sa darating na suplay.

Ani Pangulong Duterte, ginagamit ng pamahalaan ang nautang na pondo mula sa World Bank at Asian Development Bank para makabili ng mas maraming COVID-19 vaccines. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Sa hirit na murder sa magkakalat ng COVID-19 ROQUE TINABLA SI PANELO

0

HINDI pabor si Presidential spokesperson Harry Roque sa mungkahing kasong murder ni Chief Legal Counsel Salvador Panelo para sa mga COVID-19 positive na pagala-gala pa rin at patuloy na nakikihalubilo sa komunidad.

Ang katuwiran ni Sec. Roque, hindi lamang elemento ng murder ang intensiyong pumatay kundi kailangan din ng qualified circumstances kagaya ng treachery pati na ng abuse of strength.

Giit ni Sec. Roque, hindi ito napatutunayan sa mga taong nagkakalat ng sakit.

“Iyan po ay iminungkahi ni Sec. Sal Panelo. Pero alam ninyo naman po kaming mga abogado ay mayroon kaming mga isang milyong interpretasyon ng batas. Hindi ko po ina-agree-han iyong interpretation ni Sec. Sal Panelo, kasi kinakailangan po ng murder hindi lang intent pumatay, kinakailangan din po ng qualified circumstances kagaya ng treachery, ng abuse of strength na hindi po natin mapapatunayan doon sa mga taong nagkakalat ng sakit,” ayon kay Sec. Roque.

Iyon nga lamang, pasok naman ang mga kasong disobedience to lawful orders of persons in authority at reckless imprudence para sa mga pasaway sabi ni Roque.

Subalit, mas mabuti na aniya na magkaroon ng pang-nasyunal na batas sa quarantine gayung ang legal na basehan lamang na mai-aaplay sa matitigas ang ulo ay executive order na inisyu pa ni dating Pangulong Benigno Aquino III.

Kaya, kinakailangan aniya talaga na mayroong permanenteng quarantine law. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Galvez pumiyok COVID VACCINES SA LGUs KAPOS

0

HUMINGI ng paumahin si Vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa publiko dahil sa vaccination delay sa ilang local government units (LGUs) bunsod ng kakulangan ng suplay ng bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Tiniyak ni Galvez sa publiko na magiging normal ang sitwasyon sa Hunyo 14.

Ani Galvez, nagkaroon ng problema matapos magkaubusan ng suplay ng bakuna. Idagdag pa aniya ang demand para sa bakuna ay “high across the globe.”

Kamakailan ay sinabi ni Galvez na tinatayang may 10 milyong doses ang inaasahan na darating sa bansa ngayong buwan habang 11 milyon naman ang inaasahan na darating sa buwan ng Hulyo.

Gayunman, ang mga lalawigan sa labas ng National Capital Region Plus — na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, at Laguna ay prayoridad dahil sa mataas na COVID-19 cases.

Ani Galvez, may 60% ng bakuna na darating ngayong buwan ng Hunyo ang ibibigay sa mga lalawigan habang 40% ang inilaan para sa NCR Plus. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Mag-aral muna bago pumutak PACQUIAO MABABAW -DUTERTE

0

KAILANGAN munang mag-aral ni senador at boxing champ Manny Pacquiao bago punahin at batikusin ang foreign policy at ang paninindigan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte hinggil sa isyu ng pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.

“I don’t want to degrade him, but next time he should—mag-aral ka muna nang husto bago ka pumasok,” ayon kay Pangulong Duterte sa naging panayam sa kanya ni Pastor Apollo Quiboloy ng SMNI News, Martes ng gabi.

Tila ipinamukha pa ng Punong Ehekutibo na may ” mababaw na kaalaman” si Pacquiao pagdating sa mga usapin na may kinalaman sa national concern.

Tugon ito ng pangulo sa tila pakiusap ni Pacquiao na dapat pagbigyan naman ang iba na maging pangulo ng bansa sa kabila ng panawagan ng ibang kampo na tumakbo si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio upang maipagpatuloy ang nasimulan ng kaniyang ama.

Nauna nang sinabi ni Pacquiao na kung tatakbo siya ay sa ilalim pa rin ng PDP-Laban kahit pa may umuugong na hidwaan umano sa loob ng ruling party.

Malinaw na hindi na talaga mapipigilan si Pacquiao na tumakbo sa pagka-pangulo sa halalan sa 2022, sabi ngayong Lunes ng isa niyang malapit na kaibigan.

Ayon naman sa dating mambabatas na si Monico Puentevella, kahit isulong pa ng PDP-Laban ang kandidatura ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pagka-pangulo, itutuloy ng boxing champ ang pagtakbo sa halalan.

Sinabi rin nito na mas mabuting malaman nang maaga kung sino ang pipiliin ng PDP-Laban bilang standard bearer nito sa halalan. Si Pacquiao ang acting president ng partido.

Kinumpirma rin ni Puentevella na may ilang partido na nanliligaw umano kay Pacquiao para lumipat ito sa kanila. (CHRISTIAN DALE)

Read More

Sugalan sa lalawigan ng Cavite mistulang kinukunsinte ng Kapitolyo JUETENG NI ‘JOHN YAP’ ‘DI MASUPIL

0

(NELSON S. BADILLA)

KAHIT kailan, hindi umamin si Gobernador Juanito Victor “Jonvic” Remulla Jr. na isa sa tinatawag na “sources of wealth” ng mga politiko sa Cavite ang jueteng.

Hindi sikreto ang pamamayagpag ng jueteng sa mga lungsod at bayan ng Cavite dahil napakalaya namang umiikot ang mga tauhan ng jueteng lord na kilala sa bansag na “John Yap”.

Malaking hamon kay Gobernador Remulla ang pagpapatapos sa jueteng ni alyas John Yap.

Ang utos ni Remulla sa direktor ng Philippine National Police (PNP) sa Cavite na si Colonel Marlon Santos ang siyang nakikitang “mapagpasyang aksyon” upang kumilos ang huli laban sa jueteng empire ni alyas John Yap sa buong Cavite.

Natural lamang na kumilos si Santos sa utos ng gobernador ng Cavite dahil ito ang boss ng lalawigan at hindi ang provincial director ng PNP.

Inilabas ng SAKSI Ngayon kamakalawa ang istoryang “sacred cow” at “untouchable si Yap sa Cavite” dahil mistulang mayroong basbas ang operasyon nito mula sa pamahalaang panlalawigan ng Cavite na matagal na ring hawak ni Gobernador Juanito Victor “Jonvic” Remulla”.

Nabanggit din sa istorya na: “Hindi umano agresibo ang kampanya ng administrasyong Remulla laban sa ilegal na jueteng ni John Yap”.

Kahit ang PNP ay walang mahabang ulat ang lahat ng yunit ng pulisya sa Cavite kay Santos hinggil sa mga hinuli, ikinulong at kinasuhan na mga bataan ni John Yap, lalo na ang naturang jueteng lord.

Maging ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Cavite ay hindi kailanman naglunsad ng serye ng operasyon laban sa jueteng empire ni alyas John Yap.

Nabatid ng SAKSI Ngayon na ‘kasosyo’ umano ni Yap sina “Zalding”, “Caloy”, at “Elwin”.

Matitikas itong sina Zalding, Caloy at Elwin dahil kabisado umano ng mga ito ang pasikot-sikot sa Cavite.

Alam na alam umano ng tatlong ito kung sinu-sino ang mga karapat-dapat na hatagan ng “lingguhang tara” mula sa pamahalaang lalawigan ng Cavite, mga lungsod at bayan at tanggapan ng PNP sa Cavite, CIDG at sa buong Rehiyon ng Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon).

Batay sa impormasyong nakarating sa media, sumikat hanggang naging sacred cow at untouchable si alyas John Yap noong direktor ng PNP- Cavite si Santos at direktor naman ng PNP-Calabarzon si Major General Vicente Danao Jr. na brigadier general pa lamang ang ranggo sa nasabing panahon.

Itinalagang direktor ng National Capital Region Police Office (NCRPO) si Danao nang makuha ni General Debold Sinas ang pagiging hepe ng PNP kahit hindi masyadong kontrobersiyal ang heneral.

Kahit wala na si Danao sa Calabarzon, nanatili ang paghahari ni alyas John Yap sa Cavite sa panahong si Brig. Gen. Felipe Natividad ang direktor sa rehiyon.
Si Natividad ay pamangkin ni Interior Secretary Eduardo Año.

Tinanggal si Natividad sa Calabarzon nang maupong hepe ng PNP si General Guillermo Lorenzo Eleazar dahil ginawa naman siyang pinuno ng Special Action Force (SAF), yunit ng PNP na pantugis at panlaban sa mga komunista at terorista.

Ipinalit ni Eleazar si Brig. Gen. Eliseo DC Cruz na direktor ng Southern Police District (SPD) sa NCRPO.

Pagkaupo ni Cruz, kumalat sa media ang impormasyong tatanggalin si Col. Santos sa Cavite, ngunit hindi natuloy dahil nakakuha ng ‘padrino’ na hindi kayang banggain ni Cruz at maging ni Eleazar.

Bukod sa Cavite, talamak din ang jueteng operation ni alyas John Yap sa Rizal kung saan ang punong lalawigan ay si Gobernador Rebecca “Nini” Ynarez, balae ni Senador Ramon Revilla Jr.

Ngunit, ayon sa hindi pa “validated” na impormasyon, nawala kay Yap ang Rizal dahil pinayagan ang jueteng lord na si alyas “Renel” na kontrolin umano ang Rizal.

Ang Renel na ito ay siya ring jueteng lord Renel na nakapasok at namamayagpag sa lungsod ng Caloocan na ibinunyag ng SAKSI Ngayon nitong Miyerkoles.

Kung totoo ang impormasyong nahagip ng SAKSI Ngayon, hindi dapat hayaan ni Gobernador Remulla na matanggal si alyas John Yap sa Cavite, sa pamamagitan ng pag-agaw ni alyas Renel sa kaharian nito sapagkat ang magiging persepsyon ng mga residente ng Cavite at mga mamamahayag ay mas “galante” si Renel.

Ang nasagap ng SAKSI Ngayon na impormasyon ay dati nang pumasok si Renel sa Caloocan, ngunit umabot lang ng isang linggo ang operasyon nito dahil ipinatigil ni Danao.

Kung tototo ‘yan, malaking palaisipan kung “bakit” at “paanong” nakapasok at biglang namamayagpag ang jueteng ni Renel sa Caloocan na pinangangasiwaan ni Mayor Oscar “Oca” Malapitan mula noong 2010.

Read More

Kawawa ang mga sibilyan – NAGKAISA NPA BINANATAN SA MASBATE KILLING

0

TAHASANG binatikos at kinondena ng NAGKAISA Labor Coalition ang New People’s Army (NPA) hinggil sa pagkamatay ng lider – manggagawang si Nolven Absalon sa Masbate dahil sa sumabog na bomba kamakalawa.

Namatay rin ang pinsan ni Absalon na si Far Eastern University (FEU) football player Keith Absalon.

Inamin ng NPA na sila ang utak ng pagpapasabog.

Humingi ng paumanhin ang armadong yunit ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa wala sa panahong pagkamatay ng magpinsang Absalon.

Ayon sa NAGKAISA, walang kahit anong dahilan at paliwanag ang pagkamatay ng mga sibilyan.

Ang NAGKAISA na pinamumunuan ni Atty. Jose Sonny Matula ay kinikilalang pinakamalaking alyansa ng mga unyon at pederasyon ng mga manggagawa sa iba’t ibang panig ng bansa.

Simula nang itatag ang NPA noong Marso 29, 1968 ay ibinandila nito sa mamamayang Filipino na tagapagtanggol at tagapagsulong ito ng interes at kapakanan ng mga manggagawa, magsasaka at iba pang batayang masa.

Hindi lang manggagawa si Novlen Absalon, kundi lider ng mga manggagawa sa Masbate.

Binanggit ng NAGKAISA na ang NPA na isang “non-state actor” ay “responsible for the use of an anti-personnel land mine which killed the two and injured their unarmed companions must be held accountable for two murders and crimes for physical injuries”.

“Those responsible may also be held accountable for war crimes. The use of anti-personnel land mine is prohibited by International Humanitarian Law (Geneva Convention),” giit ng NAGKAISA.

Higit 24 taon na ang nakalipas nang magkasundo ang maraming bansa na magkaroon at pairalin ang 1997 Anti-Personnel Mine Ban Convention “[that] prohibit[s] the use, production, stockpiling and transfer of these weapons and requiring action be taken to prevent and address their long-lasting effects”.

“Even in internal wars like civil wars, certain general principles of international humanitarian law apply, at least to those internal conflicts that constituted protracted wars like the one initiated by the CPP/NPA”, paliwanag ng NAGKAISA.

Ang magpinsang Absalon ay karagdagan sa mahabang listahan ng mga sibilyang namatay sa madugong pagsusulong ng CPP-NPA ng armadong pakikibaka nang hindi kinikilala ang umiiral na mga batas. (NELSON S. BADILLA)

Read More