Pamumuhunan para sa mas modernong power grid

BISTADOR ni RUDY SIM

SA isang roundtable discussion kamakailan, masusing tinalakay ng mga lider sa energy sector ang naging epekto ng landmark EPIRA law, 25 taon matapos itong maisabatas.

Malinaw na marami pa ring kailangang gawin para sa sektor ng enerhiya at isa na rito ang pagsigurong angkop pa rin ang batas sa pagbabago ng panahon at sa patuloy na paglaki at pag-evolve ng energy industry. Kailangang magkaroon ng mga reporma para tuluyang makamit ang mga layunin ng EPIRA.

Sang-ayon ako sa mga puntong lumutang sa discussion—na kailangang i-review ang sitwasyon noong ipinasa ang EPIRA, at paghandaan ang isang electricity system na ibang-iba na sa nakasanayan natin.

Ayon kay Meralco Chief Operating Officer Engr. Ronnie Aperocho, kailangang mamuhunan ang bansa para sa kinabukasan at hindi dapat antayin pa nating lumitaw ang problema bago kumilos.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng napapanahon na investments sa generation at grid infrastructure at huwag nang hintayin munang magkaroon ng power shortage, congestion o problema sa reliability bago gumawa ng aksyon.

Mahalagang punto ito na hindi palaging nabibigyang-pansin. Ang mga investment decision na ginagawa natin ngayon ang magtatakda kung kakayanin ng bansa ang electricity demand at mga bagong teknolohiya sa hinaharap. Kailangang maisaalang-alang na sa mga isinasagawang pagpaplano ngayon ang paglago ng renewable energy, energy storage, electric vehicles (EVs) at iba pang emerging technologies.

Mahabang panahon ang kailangan para maplano, mapausad, mapondohan at maitayo ang mga electric infrastructure project. Pero hindi lang generation ang kailangang paghandaan. Kailangan ding maging future-ready ang mismong grid.

Para kay Aperocho, hindi lang tungkol sa pagtatayo ng bagong generation capacity ang energy transition. Kailangan ng bansa ng mas matatag, mas matalino at mas flexible na distribution network na kayang mag-integrate ng mga bagong sources of electricity.

Napag-usapan din ang hindi maikakailang pagbabago ng traditional role ng distribution utility. Ipinakikita nito ang intensyon ng Meralco na talagang mamuhunan sa mga kakailanganin ng power system sa hinaharap.

Unti-unting nagiging platform para sa distributed energy resources o DERs ang distribution networks. Kasama rito ang rooftop solar at EVs na nagbibigay ng mas malaking flexibility hanggang sa level ng customer.

At sa tingin ko, hindi na ito maiiwasan. Ang mga customer ay tinatawag nang “prosumers”—hindi na lamang consumers kundi maaari na ring producers ng electricity. Habang mas maraming customer ang parehong kumokonsumo at gumagawa ng kuryente, kailangang kayanin ng distribution system ang two-way flow ng power at mas kumplikadong interaction sa mga customer.

Dito kailangang mag-evolve ang distribution utilities tulad ng Meralco bilang system operators ng DERs. Mas kakailanganin nilang mag-monitor, mag-coordinate at mag-manage ng network na binubuo ng iba’t ibang DERs.

Malaking investment sa digitalization at grid modernization ang kakailanganin para mangyari ito. Habang nagiging mas komplikado ang distribution network, mas magiging mahalaga ang smart-grid technologies, automation, monitoring, data at advanced control systems.

Kasabay rin nito, malamang na kailangang mag-evolve ang regulation.

Itinuturo ni Aperocho ang pangangailangan para sa isang framework na kayang tugunan ang mga bagong usapin sa DER integration, interconnection, compensation, data, cybersecurity, flexibility at grid resilience.

Mas nagiging urgent din ang grid investment habang lumalaki ang renewable energy. Kailangan ding may sapat na transmission, distribution, storage at flexibility para ma-integrate ang mga ito sa system. Kung wala, maaari lamang tayong lumikha ng panibagong set ng constraints sa power system.

Sang-ayon din ako na ang konsepto ng least-cost electricity ay dapat tingnan mula sa perspective ng buong system.

Hindi lamang generation cost ang dapat ikonsidera ng policymakers. Kasama rin dapat ang transmission, distribution, storage, ancillary services, flexibility, resilience at maging ang cost ng unreliable power supply.

Ang pagkakaroon ng unreliable electricity—or, mas malala, kawalan mismo ng kuryente—ang pinakamahal na gastos sa lahat.

Ang layunin dapat ay isang electricity system na affordable, reliable, resilient at sustainable.

Para kay Engr. Aperocho, ang pinakamurang generation option sa papel ay hindi naman nangangahulugang iyon na rin ang may pinakamababang overall cost para sa consumers kung hindi naman kayang ma-deliver ng system ang kuryente nang maaasahan.

Sa madaling salita, ang vision ng Meralco ay isang shift mula sa simpleng pag-manage ng power system tungo sa pagbuo ng power system na kayang mag-manage ng isang decentralized energy system.

At higit sa lahat, kailangang gawin ang investments ngayon.

(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

61

Related posts

Leave a Comment