Sa posibleng peligro sa mga bata PORTION NG RIVER WALK SA LAGUNA ISINARA

PANGANIB sa buhay, ito ang dahilan kaya isinara ang bahagi ng Biñan Riverwalk sa Biñan City matapos mamataan sa CCTV ang ilang batang tumatalon sa ilog habang mataas ang tubig at malakas ang ulan.

Ayon sa Biñan City Disaster Risk Reduction and Management Office, nakita sa CCTV ng Command Center ang mga batang naglalaro at tumatalon sa Biñan River sa bahagi ng Evangelista Bridge sa kasagsagan ng pag-ulan dahil sa Habagat.

Nagbabala ang mga awtoridad na delikado ang ganitong gawain dahil maaaring tangayin ng malakas na agos ang mga bata, bukod pa sa mga debris, troso at basura na maaaring dala ng rumaragasang tubig.

Agad nakipag-ugnayan ang CDRRMO sa Barangay Poblacion para matugunan ang problema, lalo’t paulit-ulit umanong bumabalik ang mga bata kahit sinasaway ng mga barangay tanod.

Dahil dito, permanenteng isinara ang mga butas sa bakod ng Biñan Riverwalk upang mapigilan ang mga bata na makadaan patungo sa delikadong bahagi ng ilog.

Paalala ng mga awtoridad sa mga magulang, lalo na sa mga nakatira malapit sa Biñan River, bantayan ang kanilang mga anak at ipaliwanag na ang walang pasok dahil sa masamang panahon ay hindi pagkakataon para maglaro sa ilog.

(NILOU DEL CARMEN)

89

Related posts

Leave a Comment