3 PULIS RIZAL HULI SA EXTORTION

RIZAL – Arestado ng mga awtoridad ang tatlong pulis na umano’y nangikil sa isang lalaki na nadakip sa ilegal na droga sa bayan ng Tanay sa lalawigang ito.

Ayon sa ulat ni Tanay PNP chief of police, P/Lt. Col. Ruben Piquero kay PNP chief, Gen. Dionardo Carlos, kinilala ang mga arestado na sina Police Master Sgt. Darlino Casamayor Jr., Police Corporal William Sayago, at Pat. Allen Bey Tendilla, pawang nakadestino sa Intelligence/Drug Enforcement Team sa Tanay Municipal Police Station.

Nag-ugat ang reklamo laban sa tatlong pulis nang kikilan umano ng mga ito si Aljon Marcelino Indon, 31-anyos.

Narekober ni Piquero mula sa tatlong pulis ang P49,000 cash na umano’y kinikil ng mga ito kay Indon.

Batay sa record, si Indon ay nadakip sa kasong ilegal na droga at ikinulong noong Marso 17 dahil sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Habang nakapiit, pinilit umano ng tatlong pulis na ilabas ang laman ng bulsa ni Indon at tumambad sa kanila ang P93,000.

Bunsod nito, napilitan umano si Indon na ibigay sa mga pulis ang P49,000 cash kapalit ng kanyang kalayaan sa kasong droga.

Ngunit inireklamo ni Indon ang tatlong pulis kay Piquero na nagresulta sa pag-aresto sa tatlong pulis. (ENOCK ECHAGUE)

272

Related posts

Leave a Comment