IMEE: TIGILAN ANG PAGIGING ‘AKSYONG AKSAYA’

IGINIIT ni Senador Imee Marcos na panahon na upang tigilan ng lahat ang ugaling ‘Aksyong Aksaya’.

Sa gitna ito ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo dulot ng girian sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sinabi ni Marcos na kailangang balansehin ang lahat ng hakbangin na tutugon sa pangangailagan ng taumbayan.

Ipinaliwanag ng senadora na sadyang mahihirapan ang gobyerno na suspindihin ang pagpapataw ng excise tax sa produktong petrolyo dahil malaking kita ang mawawala na kailangan din sa pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng taumbayan.

Gayunman, dapat naman anyang dagdagan pa ang P200 na buwanang ayuda sa mahihirap upang tulungan silang makaagapay.

Bukod dito, maaari rin anyang ikonsidera ang unbundling ng fuel prices o maghanap ng iba pang pagkukunan ng langis.

“In the meantime we should look at other things, i-unbundle ang fuel prices at makisuyo sa ibang bansa para may resources tayo at balikan si Aksyong Aksaya, dapat magkaprograma ang gobyerno for conservation. Mga mayayaman dapat siguro konting hinay-hinay. Tulong-tulong tayong lahat,” diin ni Marcos.

Dapat anyang magkaroon ng kampanya ang gobyerno para sa pagtitipid ng paggamit ng langis at kuryente.
“Huwag na huwag maging Aksyong Aksaya lalo na ang mga maykaya,” diin pa nito. (DANG SAMSON-GARCIA)

234

Related posts

Leave a Comment