NADAKIP ang tatlong drug personalities, kabilang ang isang babae, makaraang makumpiskahan ng baril at tinatayang P.2 milyong halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief, Col. Angela Rejano ang arestadong mga suspek na sina Eyahn Galverio, 31; Rosylynjoy Luching, 21, at Edna Arevalo, 24, pawang residente ng Caloocan city.
Ayon sa imbestigasyon ni P/SSgt. Kenneth Geronimo, dakong alas-6:00 ng umaga nang magsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa pangunguna ni P/SSgt. Julius Sembrero, sa ilalim ng pangangasiwa ni P/Capt. John David Chua, sa pamumuno ni Col. Rejano, sa loob ng isang Gray Honda City (VVA 384) na nakaparada sa Dr. Lascano sa kanto P. Concepcion St. sa Brgy. Tugatog na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang 28.80 gramo ng shabu na tinatayang P195,840 ang halaga, buy-bust money, gray Honda City na ginagamit umano sa kanilang ilegal na aktibidad, at isang cal. 45 baril na may magazine at kargado ng anim na bala. (FRANCIS SORIANO)
