3 TIMBOG SA P40.8M SHABU SA TAYTAY

TINATAYANG anim na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P40.8 milyon, ang nasamsam ng magkakasamang pwersa sa isinagawang operasyon kontra ilegal na droga sa Sitio Dulong Bangiad, Barangay San Juan, Taytay, Rizal noong Setyembre 14.

Tatlong suspek ang nadakma kabilang ang 31-anyos at 43-anyos na lalaki, at 32-anyos na babae, pawang nakatira sa nasabing lugar.

Isang suspek pa ang kasalukuyang hinahanap makaraang makatakas sa operasyon.

Bukod sa droga, nasamsam din mula sa mga suspek ang iba’t ibang uri ng baril at iba pang mga ebidensya.

Isinagawa ang pagsalakay ng PDEA Regional Office IV-A Rizal Provincial Office, kasama ang suporta ng Philippine Coast Guard (PCG) Coast Guard Station Rizal.

Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Noemie Cayabyab, siniguro ng kanilang mga tauhan ang mga daluyan ng tubig upang pigilan ang pagtakas ng mga target sa pamamagitan ng tubig.

Ang nahuling mga suspek ay nahaharap sa kasong paglabag sa Seksyon 5 (Pagbebenta ng Mapanganib na Droga) kaugnay ng Seksyon 26, Artikulo II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ang nakuhang mga baril naman ay susuriin sa ilalim ng RA 10591.

Isinasagawa na ng PDEA ang tamang pagtatala, pag-iingat, at pagproseso sa nahuling mga suspek at nasamsam na mga ebidensya.

(KNOTS ALFORTE)

85

Related posts

Leave a Comment