PATAY ang isang sanggol at limang iba pa nang bumulusok pababa ang sinasakyan nilang truck noong Martes ng tanghali na malubhang ikinasugat ng 17 iba pa sa Sitio Jakap, Barangay Talubin, Bontoc, Mountain Province.
Ayon sa ulat, sakay ng isang Isuzu Elf truck ang 23 katao kabilang ang nasabing sanggol, nang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver nito at nahulog sa may 50 hanggang 100 metrong lalim na bangin sa Talubin-Barlig Road.
Ayon sa Bontoc Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, kabilang sa mga nasawi si Theresa Walitan at limang-buwan gulang na si Rex Walitan, habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng tatlong babae at isang lalaki.
Isinugod naman sa Bontoc General Hospital ang 17 sugatan para malapatan ng kaukulang lunas kung saan kinakailangan manatili rito ang 14 biktima ng road accident.
Batay sa paunang impormasyon, nasa 27 pasahero ang sakay ng truck na mula sa Isabela at patungo sa Bakun, Benguet matapos na dumalo sa isang kasalan, nang mahulog ito sa bangin dakong alas-12:40 ng tanghali.
Patuloy ang rescue at recovery operations sa lugar habang kinukumpirma pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng lahat ng mga biktima at sanhi ng aksidente
Ayon sa pulisya at Mountain Province Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, kasalukuyan pang kinukumpirma at bineberipika ng pulisya ang buong listahan ng mga pangalan ng lahat ng sugatang pasahero upang matiyak na tama ang maibibigay na impormasyon sa publiko habang nagpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa naging sanhi ng sakuna.
Kinumpirma ng pulisya na ang mga pasahero ay galing sa isang kasalan ng kamag-anak sa Isabela. Pabalik na sila sa bayan ng Bakun, Benguet nang mangyari ang trahedya.
(JESSE RUIZ)
82 