TAMBULI ni JESSE RUIZ
PARA sa mga kapatid nating Tsinito at Tsinita, mukhang tama lang talaga na ideklara ng komunistang gobyerno ng China, na persona non grata ang kalihim ng Department of National Defense ng Pilipinas.
Ito naman kasing si Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro na halos araw-araw na binabakbakan ang China tungkol sa pag-angkin nila sa teritoryo ng Pilipinas, ay ilang ulit nang ipinahihiya ang mga singkit sa world stage, sa harap mismo ng foreign audience.
Siyempre, nakabubwisit talaga na barahin at ipahiya ni Gibo sa harap ng mga banyagang tagamasid, ang mga ipinadalang sugo ng China para igiit lang na may karapatan sila sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea kahit natalo na sila sa ibinabang 2016 Arbitral Award ng International Tribunal na pabor sa Pilipinas.
Nito kasing nakaraang Seoul Defense Dialogue 2026 na ginawa sa South Korea, naulit muli ang pamamahiya ni Gibo sa isang military attaché at muling nasaksihan ng buong mundo ang tapang, katalinuhan at tunay na pagka maka-Pilipino ni Sec. Teodoro.
Sa gitna ng isang pormal na pandaigdigang talakayan ukol sa seguridad at batas ng karagatan, ipinamukha ni Defense Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro Jr. kung gaano kabastos ang China at kawalang galang, ‘di lang sa Pilipinas kundi pati sa international community.
Ito mga katoto, ay nang muling naulit ang una nang ginawa ng China na pagtatanim ng kanilang tao, sa gitna kasi ng Question and Answer (Q&A) session kaugnay sa idinaos na 2026 Defense Forum, isang kinatawan mula sa panig ng China ang biglang lumapit at nag-abot ng isang note habang nagsasalita si Gibo sa harap ng maraming tao.
Ayon sa mga nakasaksi sa larangan ng diplomasya, ang ganitong atake at tila pananabotahe sa gitna ng pormal na talakayan at masasabing isa ring malinaw na kabastusan at kawalan ng etiquette ng China.
Kaya hayun mga katoto, hindi kaagad naka-react ang China sa ipinakitang tapang at angking talino ni Gibo on world stage, nang sampalin nito ng mga salita ang mensahero ng China.
Laking pagkakamali ng mensahero, hindi na siya nakaganti, nalagay pa sa kahihiyan ang kanyang kinakatawang bansa nang linya por linya ay isa-isang winasak ni Gibo ang bawat laman ng ibinigay na note ng bastos na Chinese messenger na sinasabing isang defense attaché sa Korea.
“Is this the right paper to pose to me when I’m being asked a question on the floor? If this is a Chinese position sent to me, it not only disrespects international law… but it also disrespects the basic decency that should be accorded to our most gracious host, the Republic of Korea, and the rest of our audience here.” Mga pahayag na umani ng papuri at pagkilala para sa diplomatic minded na kinatawan ng Pilipinas
Sa palagay ninyo, tama ba ang sinabi ni Gibo sa China na “maging disente lang kayo nang konti, mahiya naman kayo nang konti.”
93 