ARESTADO ang isang lalaki sa loob mismo ng isang tindahan ng mga instrumentong pangmusika, na nagtangkang manloob sa isang kilalang mall sa Imus City, Cavite noong Miyerkoles ng gabi.
Hawak na ng Imus Component City Police Station ang suspek na si alyas “Glenn”, 39, ng Bayan-Bayanan, Malabon City, dahil sa reklamo ng store manager ng OD Aerophone sa Ayala Vermosa.
Ayon sa ulat, bandang alas-9:30 ng gabi nang mapansin ng security guard ng Ayala Vermosa sa Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City, Cavite na puwersahang sinira ang accordion door ng OD Aerophone at base sa CCTV footage, isang lalaki ang pumasok dito.
Agad itong ipinagbigay-alam sa pulisya na naabutan ang suspek sa loob at sa isinagawang inspeksyon, nakuha sa bag nito ang isang kalibre .38 na baril na may tatlong bala.
Hindi naman binanggit sa ulat kung mayroon panindang tinangay ang nasabing suspek.
Ang Aerophone ay isang kagamitang pang-musika na gumagamit ng hangin upang lumikha ng mga himig at magagandang tunog.
(SIGFRED ADSUARA)
60 