500 PDLs INILIPAT SA MINDORO

BILANG paghahanda sa pagsasara ng National Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa sa taong 2028, inilipat na ang nasa 500 Persons Deprived of Liberty (PDLs) sa Sablayan Prison and Penal Farm (SPPF) sa Oriental Mindoro.

Nitong Lunes, ibiniyahe ang mga PDL patungong SPPF na ineskortan ng 150 tauhan mula sa NBP na sinabayan pa ng Philippine National Police (PNP).

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), umaabot na sa 13,781 PDLs ang nailipat sa iba’t ibang operating prison and penal farms (OPPFs) bilang bahagi ng preparasyon para sa pagsasara ng NBP at conversion nito bilang government center.

Giit ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., ang paglilipat ay “hindi lamang nagpapahusay sa kalagayan ng pamumuhay ng mga PDL kundi nagpapakita rin ng pangako ng gobyerno sa reporma sa penal system ng bansa.”

Tiniyak din ni Catapang na mahigpit na binantayan ang seguridad at logistik ng convoy, na sinuportahan ng South Luzon Expressway (SLEX) at Star Tollway Arterial Road (STAR) Patrol.

Samantala, inatasan ng opisyal ang lahat ng superintendente ng OPPFs na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang para protektahan ang buhay at ari-arian sa kanilang mga lugar bilang paghahanda sa tropical depression “Verbena.”

(CHAI JULIAN)

34

Related posts

Leave a Comment