HAWAK na ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang college dean sa Maguindanao del Sur, na sinasabing sangkot sa roadside bombing na ikinamatay ng dalawang barangay officials noong taong 2023.
Ayon kay Police Major Gen. Robert Morico II, acting PNP-CIDG director, nadakip ng kanyang mga tauhan si alyas “Sarip”, 33-anyos, sinasabing may kinalaman sa November 2023 roadside bombing sa Barangay Ganta, Shariff Saydona Mustapha na ikinasawi nina Jun “Datumanot” Silongan, barangay chairman ng Brgy. Pendeten, sa bayan ng Datu Salibo, at Barangay Councilor Salik Katua.
Ayon sa ulat na isinumite ni Police Capt. Norman Marcos, pinuno ng CIDG Maguindanao Provincial Field Unit, may standing warrant of arrest si Sarip sa kasong murder kaugnay sa pagkamatay ng dalawang barangay councilman sa Shariff Saydona Mustapha town, sa Maguindanao del Sur din.
Walang piyansang inirerekomenda ang korte sa nasabing kaso ng suspek.
Nabatid na habang naglalakad si Silongan kasama ang siyam na iba pa sa kahabaan ng barangay road nang biglang sumambulat ang isang improvised explosive device na itinanim sa gilid ng daan na agad na ikinamatay ng barangay chairman at ni Katua habang malubha ring nasugatan ang walong iba pa.
Napag-alam din na 22 katao ang sinasabing sangkot sa kaso, na target ng inilabas na warrants, ayon kay Morico. Si “Sarip” ang ikatlong suspek na nadakip ng mga tauhan ng CIDG Maguindanao Provincial Field Unit simula Oktubre 2025.
Unang naaresto si alyas “Nasser,” isa ring village official ng bayan ng Datu Salibo noong Nobyembre 5, 2025 habang si Datu Salibo Municipal Councilor “Allan” ay naaresto noong Oktubre 11 ng taong kasalukuyan sa Cotabato City Airport sa Barangay Awang, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
(JESSE RUIZ)
24
