HABANG tinatahak ng Severe Tropical Storm “Opong” (international name: Bualoi) ang direksyon palabas ng Philippine area of responsibility patungong Vietnam, ipinag-utos ng Philippine National Police (PNP) ang deployment ng mahigit sa 7,000 pulis para magsagawa ng rescue and relief operations sa buong bansa habang maraming Pilipino ang nawalan ng tirahan sa pananalasa ng bagyo.
Ayon kay PNP Acting chief, Lt. General Melencio Nartatez, may 7,349 police officers ang nagsasagawa ng search, rescue, at retrieval (SRR) missions, habang may 11,118 pa ang naka-antabay sakaling kailanganin pa ang dagdag na puwersa bunsod ng epekto ng bagyong Opong.
Nabatid na umabot sa 6,610 katao ang nasagip ng mga tauhan ng PNP sa inilunsad nilang 42 SRR operations habang 27 relief mission naman ang isinagawa ng mga pulis para sa 2,000 beneficiaries.
Subalit nilinaw ni General Nartatez na hindi lamang mga lokal na residente ang kailangang tulungan dahil may mga pulis din at PNP non-uniformed personnel ang apektado ng bagyo, katulad ng Mimaropa, Western Visayas, at Eastern Visayas.
Ngayong tuluyan nang nakalabas ng Pilipinas si Typhoon Opong ay inatasan ni Nartatez ang mga pulis na tumulong sa road-clearing operations para matiyak na walang sagabal at mabilis na mararating ng relief goods ang mga nasalantang lugar.
Partikular na inatasan ng heneral ang lahat ng chiefs of police na magsagawa at magsumite ng damage assessment reports para matukoy ang mga lugar na mas nangangailangan ng agarang tulong kabilang ang police stations matapos ang ulat na may isang police headquarters sa PNP-PRO 4B ang nasira habang dalawang police station din sa PNP-PRO 8 ang napinsala.
“Road clearing operations are necessary to ensure the smooth delivery of the relief items needed by our kababayan who were severely affected by this weather disturbance,” ani Nartatez.
Hindi umano dapat mabalam ang pagbibigay ng tulong at ayuda mula sa national government.
Sa ulat ng Office of Civil Defense, nasa mahigit 165,000 families, o mahigit sa 580,000 katao ang inilikas para matiyak ang kanilang kaligtasan, ayon sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
(JESSE RUIZ)
159 