DAVAO CITY – Isang bigtime drug pusher at high value target drug personality ang nadakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa isinagawang anti-narcotics operation sa Purok 10-B, Lower Madapo, Barangay 8-A, Davao City.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez, noong Biyernes ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga tauhan ng Regional Special Enforcement Team/Davao City Office of the Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 11, katuwang ang Police Precinct 2, laban sa isang alyas “Bryan”, 21-anyos.
Tinatayang nasa P3.6 milyong halaga ng droga ang nakuha sa pag-iingat ni Bryan matapos na bentahan ng shabu na tumitimbang ng sampung gramo sa halagang P40,000, ang undercover agent ng PDEA.
Nasa limang daang gramo ng suspected shabu, na may street value na aabot sa P3,400,000, 96 piraso ng suspected party drugs o methylenedioxymethamphetamine (ecstasy tablets) na nagkakahalaga ng P163,200, ang nakuha sa pag-iingat ng high value target bukod sa non-drug evidences at marked buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12, Article II ng R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) ang suspek na pansamantalang ikinostudiya ng Davao City PDEA office. (JESSE RUIZ)
222 