LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan– Pormal na pinasinayaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng Lokal na Pamahalaang Lungsod ng Malolos ang P43 milyong halaga ng 80-beds capacity na We Heal As One Center isolation at quarantine facilities ng lungsod.
Ayon kay DPWH First Bulacan District Engr. Henry Alcantara, ang 32-beds ay matatagpuan sa itinayong dalawang units na container vans sa isang bahagi ng Malolos City Government Center na katabi ng ginagawang Bulacan Cyber Park and Business District.
Doon sa mga container vans na ginawang quarantine facility, bawat silid ay may kanya-kanyang aircondition units at sari-sariling mga palikuran.
Sinabi ni Alcantara na may kama at lamesa alinsunod sa pamantayan na itinakda ng Department of Health (DOH) sa pagtatayo ng ganitong mga pasilidad at nagpasadya rin ng nursing station at electric room.
Sa ginawa namang konbersiyon ng Malolos Sports and Convention Center covered court, nasa loob nito ang 48 pang kama na may kanya-kanyang partisyon.
May kabuuang halagang P43 milyon ang proyekto na mula sa bahagi ng Bayanihan to Heal as One Act o Republic Act 11469.Kaugnay nito, ayon kay Mayor Gilbert ‘Bebong’ Gatchalian, may inisyal na 15 mga medical and utility personnel ang magpapatakbo nito sa tulong ng City Health Office (CHO) at City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) at karagdagang 10 personnel sa DOH at sa Office of the Civil Defense (OCD).
“Hindi aniya tatanggapin ang basta-basta pagdadala lamang ng ‘inaakalang may COVID-19’. Sinomang makikitaan ng sintomas ay dapat itawag muna sa COVID-19 Hotline ng Malolos na 760-5160 o sa 0998-324-2261. Agad itong pupuntahan ng mga nakatalagang contact tracers sa kinaroroonan ng pasyente, isasailalim sa mga kaukulang testing, isasakay sa COVID-19 ambulance at saka pa lang dadalin dito sa mga quarantine facilities,” ani Gatchalian.
Samantala, kapag dumating ang panahon na natapos na ang pandemya ng COVID-19, target ni Mayor Gatchalian na ang mga quarantine facilities na ito ay mai-convert sa pagiging isang Dialysis Center ng pamahalaang lungsod. (ELOISA SILVERIO)
301 