P80-M PONDO NG DA SA ASF BABANTAYAN NG SENADO 

imee66

(NI NOEL ABUEL)

IPINATITIYAK ni Senador Imee Marcos na magagamit nang tama ang P80 milyong pondo na inilaan ng Department of Agriculture (DA) para magamit bilang emergency fund at quarantine operations para tuldukan ang pagkalat ng African Swine Fever(ASF) virus.

Ayon kay Marcos, dapat gamitin sa wastong paraan ang pondo para sa disease monitoring and surveillance, laboratories upgrade, capacity-building at iba pang disease control measures at hindi mapunta sa bulsa ng tiwaling opisyal ng pamahalaan.

Ang pahayag ng senador ay matapos aprubahan ni Pangulong Duterte ang pondo na inilaan sa Bureau of Animal Industry (BAI) para protektahan ang bilyun-bilyong pisong hog raising industry sa bansa.

Idinagdag pa ni Marcos na kailangang matiyak na mapakikinabangan ng hog raisers ang pondo lalo na ang mga maliliit na backyard piggery sa lalawigan ng Rizal at Bulacan na kumpirmadong may ASF outbreak.

“Dapat tiyakin ng DA na hindi ito maibubulsa lang ng ilang tiwaling opisyal sa ahensya. Sana ay magastos talaga ang pondo sa pagsugpo ng ASF virus para hindi na maapektuhan pa ang ibang probinsya,” paalala nito.

Giit pa ni Marcos, dapat masiguro ng DA at BAI na hindi rin tatamaan ng ASF virus ang mga baboy sa Ilocos region dahil ito ang pangunahing negosyo ng mga Ilokano, kabilang na ang meat products gaya ng bagnet at longganisa.

Nauna rito, nangako si Agriculture Sec. William Dar na bibigyan ang hog raisers ng P3,000 cash assistance sa bawat baboy na pinatay sa lalawigan ng Rizal at Bulacan.

Maliban pa rito ay naglaan din ang DA ng P30,000 loan assistance sa bawat mag-aalaga ng baboy na babayaran sa loob ng tatlong taon at may zero interest.

 

102

Related posts

Leave a Comment