PARA sa Malakanyang, isang malaki at matinding hamon ang importasyon at storage set-up para sa COVID-19 vaccine.
Ito’y sa kabila na may pondo na ang pamahalaan para pambili ng bakuna laban sa COVID-19.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ang “potential coronavirus vaccine” ay kailangan na nakatago sa malamig na storage facility, kung saan “they would be frozen at around -90 degrees Celsius.”
Ang Pilipinas, ayon kay Sec. Roque ay may nag-iisang pasilidad sa Research Institute for Tropical Medicine sa Muntinlupa.
Dahil dito, kailangan na magtayo ang pamahalaan ng mas maraming vaccine storage facilities o hikayatin ang private sector na mag-invest sa kanilang construction.
“Matindi rin iyong paghamon ‘pag lumabas na ang bakuna. Ngayon pa lang, ang talagang mensahe ni Presidente, maghanda na tayo— so iyong mga detalye, hindi lang iyong perang pambili,” ayon kay Sec. Roque.
“Ang challenge ngayon talaga e iyong storage saka iyong logistics ng pagpapadala rito ng gamot at saka iyong distribution network,” dagdag na pahayag nito.
Sa kabilang dako, interesado naman ang Russia na magpatayo ng pharmaceutical facility sa Pilipinas para sa vaccine candidate ng Russia na Sputnik V.
Sa ulat, ang Pilipinas ay inisyal na nakapagtabi ng P2.5 billion para pambili ng 40 million doses ng coronavirus vaccine.
Kung sakali naman at kulangin ito, ang pamahalaan ay maaaring mangutang sa LandBank at Development Bank of the Philippines. (CHRISTIAN DALE)
314 