NAGPATUPAD ang House of Representatives ng work-from-home (WFH) arrangement simula alas-12 ng tanghali nitong Huwebes, Setyembre 10, bilang pagsunod sa direktiba ng Office of the President.
Inanunsyo ni House Secretary General Cheloy E. Velicaria-Garafil ang WFH arrangement sa isang advisory na inilabas sa bisa ng awtoridad ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III, habang tiniyak ng Kamara ang kaligtasan ng mga kawani nito at pagpapatuloy ng mahahalagang operasyon.
Ayon kay Velicaria-Garafil, alinsunod sa Memorandum Circular No. 135 na inilabas ng Office of the President noong Setyembre 10, 2026, ipatutupad ng Kamara ang work-from-home arrangement simula alas-12 ng tanghali para sa lahat ng opisyal at empleyado, maliban sa mga kinakailangang pisikal na pumasok para sa mahahalaga at kritikal na operasyon, ayon sa pagtukoy ng kani-kanilang hepe ng departamento.
Inilabas ng Malacañang ang Memorandum Circular No. 135 sa rekomendasyon ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng pinalakas na southwest monsoon o habagat, gayundin sa pinagsama-samang epekto ng matagal na pag-ulan.
Inatasan ng circular ang mga tanggapan ng pamahalaan sa Metro Manila at 13 lalawigan na magpatupad ng angkop na alternatibong work arrangements ngayong Huwebes. Gayunman, kailangang magpatuloy sa operasyon ang mga ahensyang nagbibigay ng basic at health services, disaster preparedness and response, at iba pang mahahalagang serbisyo.
Pinaalalahanan din ng Kamara ang mga tauhan nito na mag-ingat at unahin ang kanilang kaligtasan.
“Pinapayuhan ang lahat ng personnel na mag-ingat nang husto at unahin ang kanilang kaligtasan at kapakanan,” ani Velicaria-Garafil.
(TINA MENDOZA)
62 