Alamat Ni Manny Pacquiao (Ika-16 Bahagi) Wagi si Manny, 2-1, sa trilohiya vs Erik Morales

NAGANAP ang makasaysa-yang tatlong labang serye sa pagitan nina ring idol Manny Pacquiao at maalamat ding Mehikanong si Erik Morales dahil sa paghahangad ng Pilipinong lumipat sa super-featherweight o junior lightweight.

Target ng dalawa ang bakanteng IBA 126-pound title, ngunit mas masidhi ang pagnanais ng kaisa-isang ­boksingerong ­maghahari sa walong dibisyon sa world pro boxing.

Hawak na noon ng Pambansang Kamao ang titulo ng WBC flyweight, IBF super-bantamweight at RING featherweight bago niya hinarap si Morales, na naging matalik niyang kaibigan kalaunan.

Talo ang noon ay kongresista ng lalawigan ng Sarangqani sa unang pakikipagharap na ginanap noong Marso 19, 2005 sa MGM Grand, kaya’t humirit siya ng isa pa para makabawi.

Ang Thomas Mack Center sa Las Vegas ang napiling lugar para sa pangalawang laban noong Ener 10, 2006, kung kailan pinatulog ni Pacquiao si Morales sa ika-10 round ng nakatakdang 12-round bout.

Sa labang iyon, dalawang beses nakaiwas si Morales na ma-KO, una sa second round nang makuha niyang makahawak sa lubid sa gitna ng umaatikabong kaliwa’t kanang pag-atake ni Manny. At ikalawa ay sa pang-anim na round kung saan ­bumagsak siya sa reperi sa gitna ng walang humpay na pampatulog na mga suntok ni Pacquiao.

Pagdating ng ika-10 round ay tuluyang isinuko na ng korner ng Mehikano ang laban nang ihagis sa ring ang tuwalya bilang hudyat na itigil na ang laban. Iyon ang kauna-unahang pagkatalo ni Morales sa pamamagitan ng TKO.

At dahil tabla na ang dalawa sa 1-panalo at 1 talo, itinakda ang kanilang pangatlong ­paghaharap noong Nobyembre 18, 2006 kung kailan naging mas madali para sa Pilipino na ­talunin si Morales.

Tatlong round lamang ang itinagal ng pangatlong laban nila, na natapos nang lupasay na bumagsak sa lona si Morales.

Pagkatapos ng sagupaan ay inihayag ni Bob Arum na ibinalik ng kanyang alaga ang signing bonus na natangap niya galing sa kalabang Golden Boy Promotions, bilang hudyat ng intensyon niya na mamalagi sa Top Rank Promotions.

Dahil dito ay idenemanda ni Oscar DeLa Hoya ng Golden Boy si Pacquiao ng paglabag sa kontratang pinirmahan nito. (Abangan ang Karugtong)

209

Related posts

Leave a Comment