HINDI dapat maging balakid ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa agrikultura, partikular sa produksiyon ng bigas.
Ito’y dahil napakahalaga ng bigas sa bawat Filipino.
Nararapat lamang na magkaroon ng kanin sa hapag-kainan ng bawat pamilya tatlong beses kada araw.
Dito papasok ang papel ng mga magsasaka, ng mga nagtatanim at nangangasiwa sa produksiyon ng bigas.
Ang Department of Agriculture (DA) naman ang organo ng pamahalaan na tutulong sa mga magsasaka hinggil sa kanilang mga pangangailangan mula sa pagpapautang hanggang sa pamamahagi ng mga bagong ideya at pagsasanay upang higit na maging produktibo sa kanilang pagsasaka.
Isa sa mga layunin ng DA na maisakaturapan ang maramihan at malakihang produksyon ng bigas ngayong 2021.
Inihayag ni Karen Eloisa Barroga, vice – chairperson ng Technical Working Group (TWG) ng Rice Competitiveness Extension Fund – Rice Extension Services Program (RCEF-RESP), na magaganap ito dahil higit na marami nang mga magsasaka at tagapagsanay nila ang natuto ng tinatawag na “extension services”.
Nitong 2020, libu-libong magsasaka ang natuto ng mga bagong kaalaman sa pagtatanim ng palay dahil sinanay sila ng RCEF-RESP.
Sa mga hindi nakakaalam, sinimulan ng RCEF at RESP ang pamamahagi ng mga kaalaman at paglulunsad ng mga pagsasanay mula nang magkaroon ng Republic Act 11203, o Rice Tariffication Law noong 2019.
Isa sa mga magandang binanggit ni Barroga ay tungkol sa pagpapalawak ng ahensiya ng mga proyekto nito para sa taong kasalukuyan upang mabahagian ang mga magsasakang Filipino ng tamang kaalaman hinggil sa mga pamamaraan at teknolohiyang makababawas sa mga gastusin ng mga magsasaka, ngunit maramihan ang aanihing palay.
Napag-alaman ko na umabot na pala sa 1,600 katao ang nakapagtapos ng pagsasanay na ibinigay ng RCEF – RESP.
Ang banggit pa ay mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa ang mga natuto ng iba’t-ibang konsepto tungkol sa pagtatanim at pangangasiwa ng palay tulad ng rice crop production, modern rice farming techniques, seed production at farm mechanization.
Maliban sa mga magsasaka, nakasama rin sa mga pag-aaral ang mga may-ari ng sakahan, kanilang tauhan at mga kawani ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Agriculture Training Institute (ATI) at mga nagtatrabaho sa mga opisina ng mga lalawigan na nangangasiwa sa mga usaping pang-agrikultura.
Ayon sa RCEF – RESP, mayroong apat na klase ng pagsasanay ang ipinatupad ng ahensiya, alinsunod sa layuning tumaas ang ani at kita ng mga magsasaka.
Sa bahagi ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice), kabilang sa mga pagsasanay nito ang Rice Specialists’ Training Course, Training of Trainers, Farmers Field Schools at mga seminar.
Katuwang ng RCEF – RESP ang ATI, PhilRice, Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) at TESDA sa pagpapatupad ng mga pagsasanay.
Dahil nananalasa pa rin ang COVID-19, natural lang na naghanda ang RCEF – RESP ng mga mekanismo upang maipagpatuloy nito ang pagbibigay ng mga ideya at paglulunsad ng mga pagsasanay sa mga magsasaka at iba pang interesado na maging produktibo ang pagsasaka sa maraming panig ng bansa.
Isa sa mga diskarte upang higit na makarating ang mga konsepto tungkol sa makabagong teknolohiya at pamamaraan na angkop sa pagtatanim ng palay, namahagi ang DA – PhilRice ng higit tatlong mil-yong materyales tulad ng leaflets, posters, flipcharts, handouts, flash cards, technology calendars at videos sa mga magsasaka at iba pang taong interesado sa pagsasaka.
Maging ang social media ay pinasok ng DA – PhilRice para sa nasabing gawain at tungkulin.
Ayon kay Barroga, nakapokus ang RCEF – RESP ngayong taon sa mga paksang tulad ng land levelling, crop establishment, nutrient management at pest management.
Siyempre, ang layunin nga nito ay upang higit na umunlad – at sana umangat – ang pagtatanim ng palay ng mga magsasaka.
348
