AMONG CHINESE, BODYGUARD NAKALIGTAS DRIVER PATAY SA AMBUSH SA PASAY

NALAGUTAN ng hininga noon din sa lugar ng krimen ang driver ng van nang tambangan ng hindi nakilalang mga suspek habang himalang nakaligtas ang amo nitong Chinese at kasamang bodyguard sa Pasay City Biyernes ng gabi.

Minamaneho ni Jose Rubia ang itim na Mercedez Benz na van (MO A237) kung saan lulan ang kanyang among Chinese at bodyguard nitong Pinoy sa St. Escolastica St. bandang alas-7:46 nang biglang sumulpot sa gawing likuran ang dalawang lalaking lulan ng Yamaha Mio I 125 (NF-85980) at armado ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril.

Ayon sa ulat, pinaulanan ng bala ng mga gunman ang sasakyan ng biktima na nagtamo ng tama sa katawan na bagaman sugatan ay nagawang bundulin ang motorsiklong sinasakyan ng mga suspek.

Nakatakas ang mga suspek habang ang among Chinese at bodyguard na Pinoy ay nagawang makalabas sa sasakyan at tumakbo para sa kanilang kaligtasan habang naiwan si Rubia.

Sinasabing may dalang pera ang among Chinese kaya hinala ay tangkang holdapin ang mga ito na posibleng natugaygayan na laging may dalang pera kapag dumaraan sa nasabing lugar.

Ayaw ipabanggit ng Chinese ang kanyang pangalan at maging ng kanyang bodyguard para sa kanilang kaligtasan.

Pinaghahanap pa ng mga pulis ang tumakas na mga suspek. Dave Medina

 

180

Related posts

Leave a Comment