BISTADOR ni RUDY SIM
TILA natapos din ang maliligayang araw ng mga tiwaling tauhan ng Bureau of Immigration na nakatalaga sa Warden Facility na siyang nangangasiwa sa mga dayuhang inmates na may kasong kinakaharap na nakapiit sa BI jail sa Camp Bagong Diwa at sa Bureau of Corrections ng Muntinlupa.
Kung dati ay kaliwat kanang katiwalian ang ating natatanggap na sumbong mula sa pamilya at ilang inmates na nakakaranas noon ng kalupitan at kotongan ng mga tiwaling jail guard ay ngayon naman ay laking gulat natin na ibang sumbong naman ang nakarating sa ating impormasyon sa malaking pagbabago dito kung saan ay sinibak na ang mga dating tirador dito na pasimuno ng pangongotong sa mga dayuhang gayundin sa mga dalaw.
Ang ating kolum naman ay handa din natin purihin basta’t maganda ang kanilang serbisyo at hindi lang ang pagbatikos dahil marami pa din naman ang mga matitino mula sa ating government employees na lumalaban ng patas hindi kagaya ng mga nagdaang nagpalakad ng piitan na halos maging ang pagpapatakas sa inmates ay ginawang negosyo.
Hindi man natin kilala personal itong sina warden Felix Velasco at deputy warden Raj Abba mula sa BI Warden Facility ay naging maganda daw ang kanilang pamamalakad na ayon sa ating source ay nakontrol na ang pagpasok ng iligal na kontrabando na dating ginagawang hanapbuhay sa loob gayundin ang paghihigpit sa dalaw na tanging ang legal na pamilya lamang ang pinapayagan madalaw ang kanilang mahal sa buhay upang maiwasan ang pagpasok ng iligal na negosyo ng prostitusyon at pagkahawa ng HIV sa mga inmates.
Upang maiwasan din na magkaroon ng malapit na ugnayan ang jail guard sa mga high profile inmates na siyang nagiging dahilan kung bakit nasisilaw sa salapi ang ilan upang tulungan makatakas ang isang nakakulong kagaya na lamang ilang taon ang nakakaraan na nag viral ang ating nakuhang CCTV footage video na pinatakas ng mga escort itong isang fugitive Korean national matapos ang kanyang court hearing sa QC na dinala muna sa Pegasus sa Quezon Ave bago hinayaang makatakas at sunduin ng naghihintay na get away vehicle.
Dahil sa ating pambibisto ay agad namang umaksyon itong si BI Commissioner Joel Viado at agad na kinasuhan at sinibak ang mga responsable sa pagpapatakas at nagsagawa ng manhunt operation na naging dahilan upang ito ay maibalik sa piitan at harapin ang kanyang kaso.
Nangako naman ang bagong pamunuan ng warden facility sa pakikipagtulungan din ni BI Deputy Commissioner Joel Alejandro Nacnac na ibinahagi ang kanyang naging serbisyo sa AFP sa isinagawang training ng jail officers upang maging maayos ang pangasiwaan ng piitan maging ang pagbabantay sa mga high profile inmates.
Upang hindi maging siksikan ang mga inmates sa BI Jail ay naging mabilis na rin ang proseso ng deportation sa mga wala nang kinakaharap na kaso sa alinmang korte sa bansa.
71 