TAMBULI ni JESSE RUIZ
ISANG mapayapang umaga ang inaakala ng marami, ngunit sa ilalim ng katahimikan, unti-unting gumagalaw ang isang makinarya ng impluwensya, paniniktik, at estratehikong presyon.
Batay sa mga datos at kaganapan sa loob at labas ng bansa, malinaw na humaharap ang Pilipinas sa tinatawag na “gray zone warfare”—isang uri ng digmaan na hindi gumagamit ng hayagang putok ng baril, kundi nag-iiwan ng mabibigat na bakas sa ating teritoryo, ekonomiya, at kamalayan.
Sa karagatan, ramdam ngayon mga katoto, ang patuloy na panggigipit sa ating Exclusive Economic Zone (EEZ), mula sa pangha-harass ng mga barko hanggang sa pagkasira ng ating mga yamang-dagat.
Ngunit ang mas nakababahala ay ang digmaang nagaganap mismo sa loob ng ating mga hangganan. Mula sa mga kaso ng espionage malapit sa mga base militar, paggamit ng mga pekeng identidad, hanggang sa mga cyber attack sa mga ahensya ng pamahalaan at pagpapakalat ng disimpormasyon ng “keyboard warriors,” lumalabas na ang banta ay hindi na lamang nasa labas ng ating bakuran—ito ay nasa loob na, mga katoto.
Ang pahayag ng pinuno ng Armed Forces of the Philippines na tayo ay nasa estadong “dapat mag-isip na para bang tayo ay nasa gitna na ng digmaan” ay hindi dapat ituring na pananakot, kundi isang paggising sa tila pagkakatulog para sa bawat mamamayan.
Sa kabila ng mga banta sa dagat, sa lupa, at sa cyberspace, may isang malaking patlang sa ating depensa: ang ating mga tahanan. Sanay na ang mga Pilipino sa hagupit ng mga bagyo at kalamidad, kaya’t pamilyar na tayo sa paglikom ng mga suplay at paghahanda sa sakuna. Ngunit ang kahandaang ito ay kinakailangang palawakin para saklawin ang mga modernong banta tulad ng pagkawala ng kuryente, internet, o access sa mga banko nang matagalang panahon.
Panahon na upang seryosohin ang pagbuo ng pambansang kamalayan at gabay para sa bawat kabahayan. Ang tunay na lakas ng isang bansa ay hindi lamang nakasalalay sa mga sandata nito sa hangganan, kundi sa katatagan ng bawat pamilyang Pilipino na may sapat na kaalaman, pagkakaisa, at kahandaan sa anomang unos na darating.
Bukod ito sa kinakailangang pagpapalakas ng depensa militar ng PILIPINAS na tila hostage sa ilalim ng 15 years AFP Modernization program na hinati-hati pa sa tatlong horizon.
Mismong ang Kalihim ng tanggulang pambansa Gilberto Teodoro ay nagsasabing nasa panahon tayo na kailangan ang todong paghahanda, pagkakaroong ng credible defense posture, AFP modernization na angkop sa kasalukuyang panahon na hindi nakatali sa 15 years modernization program dahil kung hindi ngayon kailan pa?
Ramdam na ang banta sa kasalukuyan, ngayon na ang mga pangangailangan ng hukbong sandatahan kaya humihiyaw ang nasa tanggulang pambansa sa mga mambabatas na amyendahan ang batas hinggil sa AFP modernization program dahil nahuhuli na ang Pilipinas sa ginagawang paghahanda ng mga kapitbahay sa Asya at Pasipiko sa banta ng pang-eespiya, cognitive warfare or cyberattack, infiltration, sa lahat ng sektor ng lipunan, sa mga eskuwelahan, sa mga negosyo at maging sa mga simbahan maging sa larangan ng pulitika.
Dapat din na mamulat na ang mga Pilipino na target tayo ng matinding pressure mula sa kalapit bansang China na nagsasabing kaibigan tayo subalit ginigipit tayo sa sakop nating karagatan, sa kalupaan at maging sa online o cyberspace.
22 