APAT katao ang naitalang nasawi sa magkakahiwalay na insidente ng pagkalunod sa rehiyon ng CALABARZON nitong Semana Santa, ayon sa inisyal na ulat ng Philippine National Police, habang lima namang mangingisda ang nasagip ng Philippine Coast Guard sa karagatang sakop ng Batangas.
Sa bayan ng Tiaong, isang 38-anyos na lalaki ang nalunod matapos tangkaing kunin ang tsinelas ng kanyang anak na inanod ng agos sa Mabilog River.
Sa Magdalena, isa ring lalaki ang matagpuang hindi na gumagalaw sa ilalim ng tubig sa Balanac Dam.
Sa Mabini, nasawi ang isang 48-anyos na dive master matapos mahirapang huminga habang sumisisid.
Samantala, sa Lemery, isang lalaki ang nalunod sa isang beach resort noong Linggo ng Pagkabuhay.
Sa hiwalay na pangyayari, limang mangingisda ang ligtas na nasagip ng Philippine Coast Guard matapos masiraan ng makina ang kanilang bangka dahil sa malalakas na alon sa karagatan malapit sa Batangas City.
Ayon sa Coast Guard, agad nagresponde ang kanilang mga tauhan at tiniyak na ligtas ang mga mangingisda matapos silang matulungan ng isang dumaraang bangka.
(NILOU DEL CARMEN)
75 