Bagong tandem na pinalulutang PING – SOTTO SA 2022?

MADARAGDAG ang listahan ng presidential wannabes dahil niluluto na umano ang tambalang Sen. Panfilo “Ping” Lacson at Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa 2022.

Base sa nakalap na impormasyon ng SAKSI Ngayon, nagpaplano na umano ang kampo ng dalawang nabanggit na senador na makipagsabayan sa 2022 presidential election.

“Hindi pa sila medyo lantad kasi niluluto pa lang ang Ping-Sotto 2022 tandem,” ayon sa impormante na hindi nagpabanggit ng pangalan kaugnay ng mga galawan ng mga politiko bilang preparasyon sa susunod na presidential election.

Si Lacson ay unang tumakbo sa presidential race noong 2004 subalit isa ito sa mga tinalo ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo na napuno ng kontrobersya dahil sa ‘Hello Garci scandal”.

Kilala si Lacson sa kanyang anti-corruption campaign, patunay ang mahigpit na pagbabantay sa umano’y pork barrel na isinisingit ng mga kongresista sa national budget.

Si Sotto na unang nakilala bilang host ng Eat Bulaga ay naging vice mayor ng Quezon City at muling nahalal para sa kanyang unang dalawang termino sa Senado noong 1998 subalit nabalik ito noong 2010 election at panibagong termino noong 2016.

Unang nakatikim ng talo si Sotto sa kanyang pagtatangkang makabalik sa Senado noong 2007 sa ilalim ng Team Unity ni Pangulong Arroyo, dahil kabilang ito sa mga senador na sumuporta sa People Power II na nagpatalsik kay dating Pangulong Joseph Estrada noong 2001.

Unang iniulat ng pahayagang ito ang binubuong tambalan ng dalawang bilyonaryo na sina Ramon S. Ang at Senator Manny Pacquiao kaya ngayon pa lamang ay may kumakalat na larawan ng chairman at CEO ng San Miguel Corporation na “RAMON ANG 2022” sa isang grupo sa San Juan City kung saan nakatira ang negosyante.

Matunog din na naghahanda si Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go para pumalit sa kanyang among si Pangulong Rodrigo Duterte subalit wala pang malinaw na runningmate nito.

Kabilang din sa mga sinasabing posibleng tatakbo sa darating na presidential election si presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tulad ni Go ay wala pang lumulutang na ka-tandem. (BERNARD TAGUINOD)

172

Related posts

Leave a Comment