KARAHASAN ang isa pang malaking suliranin ng kababaihan, hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo.
Ito ang deklarasyon ni Senadora Mary Grace Poe sa “16 Days of Activism” laban sa karahasang nakabatay sa kasarian na ginanap sa Zonta Club of Greater Rizal II at sa Ika-18 araw na kampanya laban sa nasabing uri ng karahasan na inisponsor ng Embahada ng Austria.
Idiniin ni Poe na ang “gender-based violence is a worldwide phenomenon that is estimated to affect one in three women in their lifetime”.
Kailangan ang kaukulan at nararapat na atensyon laban sa nasabing karahasan sa kababaihan, anang senadora.
Bilang patunay na matindi ang karahasan laban sa kababaihan, tinukoy ni Poe ang 2017 National Demographic and Health Survey na nagsasabing isa sa bawat apat na Pilipinang edad 15 hanggang 49 ay nakaranas ng “physical, emotional or sexual violence by their husband, or partner”.
Ipinaliwanag ni Poe na: “One of the gravest violations of human rights is violence against women and girls. It has a negative and long-term impact on the wellbeing of survivors, as well as their family and the larger community”.
Aniya, lalong lumala ang karahasan sa mga Pilipina sa panahong pinasok ng pandemyang coronavirus disease-2019 (COVID-19) ang bansa.
Batay sa pag-aaral ng University of the Philippines Population Institute, tumaas sa 20 porsiyento ang tinatawag na “domestic violence” laban sa kababaihan, kabilang na iyong mga bata pa, sa panahon ng community quarantine.
Ani Poe, nakalulungkot na hindi pinalampas ng kalalakihan ang bagsik ng kanilang kalupitan sa kababaihan, gayong mapanganib ang atake ng COVID-19 sa mamamayan.
“It is our responsibility to our daughters, mothers and sisters to create an environment that can protect them from any form of violence and abuse. Tinatawag nating ‘ilaw ng tahanan’ ang ating mga ina, kaya’t tungkulin nating hindi magdilim ang kanilang liwanag”, paalala ni Poe.
Idiniin din ni Poe na ang karahasan at pananamantala sa kababaihan ay hindi lamang nagaganap sa loob ng kanilang mga tahanan, kundi maging sa pamayanang kanilang ginagalawan.
Isa sa mga paraan upang labanan ang karahasan at pananamantala sa kababaihan ay ang pagpapairal ng Republic Act No. 11313, o ang “Safe Spaces Act” kung saan katuwang niyang inakda at ipinaglaban sa Kongreso hanggang maging ganap na batas. (NELSON S. BADILLA)
1191 