GEN Z ni LEA BAJASAN
NOONG una kong narinig na rito gaganapin ang FIVB Men’s World Championship, sobrang saya ko. Isa itong bihirang pagkakataon para ipakita sa buong mundo kung gaano kainit ang suporta ng Pilipinong fans.
Matagal na nating pinapangarap na makita nang personal ang pinakamagagaling na teams. Ini-imagine na natin ang punong arena, malalakas na sigawan, at mga manlalaro na magkukwento kung gaano nila kamahal ang crowd dito. Pero hindi iyon ang nangyari.
Hindi problema ang players o ang schedule. Ang tunay na problema ay ang presyo ng ticket. Nang i-announce na may upuan na aabot ng P13,800, bigla akong nadismaya. Totoo, may mas murang option na P350 para sa general admission, pero kung tutuusin, hindi pa rin ramdam ng karaniwang fans na welcome sila. Kahit nagkaroon pa ng 30% discount, nabuo na ang impression: hindi ito para sa masa.
Balikan natin ang 2022 para makumpara. Noong FIVB Volleyball Nations League (VNL) sa Araneta, sobrang layo ng presyo. Ang Courtside ay P2,000, Patron A ay P1,500, Patron B ay P1,000, Lower Box ay P500, Upper Box ay P200, at General Admission ay P100 lang.
Ang laki ng itinaas. Noon, makauupo ka na nang maganda sa halagang P2,000. Ngayon, karamihan ng magagandang pwesto ay P13,800 pataas. Kahit may discount, sobrang taas pa rin ng agwat.
At dito nakalulungkot. Gumastos ng halos P2 bilyon ang gobyerno at organizers para rito. ‘Yung rights pa lang ay umabot ng P1.4 bilyon. Nagbigay pa ng halos P700 milyon ang Philippine Sports Commission. Pero pagdating ng mga laban, halatang bakante ang mga upuan sa halip na maingay at puno ng fans.
Ayon sa reports, sa unang tatlong araw, nasa 3,000 fans lang kada laro ang nanood. May session pa na bumagsak sa 1,200 lang. Isipin mo, world-class athletes mula sa iba’t ibang bansa, tapos sa harap lang sila ng halos bakanteng arena naglalaro. Ang dapat sana’y parang pista ng volleyball, naging parang ensayo lang.
Masakit ito bilang fan. Alam nating lahat kung gaano kainit ang suporta ng mga Pilipino. Tingnan mo ang collegiate games, laging puno at maingay. Tingnan mo ang laban ng national team, halos hindi ka makarinig sa lakas ng cheer. Ang tambol, ang sigaw, ang pagwagayway ng watawat—iyan ang bumubuhay sa laro. Pero ngayon, hindi iyon nakita dahil sobrang mahal ng ticket.
Kita na ang gustong habulin ng Philippine National Volleyball Federation. Gusto nilang magpasikat bilang big-time host. Gusto nilang ipakita na kaya nilang magdala ng malaking event. Pero sa paghahabol nila ng recognition, nakalimutan nila ang pinakamahalaga: ang fans. Mas inuna ang pera kaysa totoong pangangailangan ng mga taong nagmamahal sa sport.
Ang ticket ay hindi lang papel. Ito ang susi para maranasan ang tunay na saya ng laro. Nasa kanila ang pagkakataon na punuin ang arena at gawing espesyal ang bawat rally. Pero mas pinili nila ang kikitain. Ang natira ngayon ay isang tournament na maganda sa labas pero malamig at walang sigla sa loob.
Bilang isang tagahanga ng volleyball, nahihiya ako. Ang inaasahan ng mundo ay makita kung gaano kalakas ang suporta ng mga Pilipino, pero ang babaunin nila ay larawan ng mga bakanteng upuan. Dalawang bilyong piso ang ginastos, pero hindi ang volleyball ang panalo. Ang nanalo ay ang mga taong tiningnan ang fans bilang numero lang sa sales sheet. At iyon ang pinakamasakit sa lahat.
