1 PATAY, 7 SUGATAN SA KARAMBOLA NG 4 SASAKYAN

BATANGAS – Isa ang patay habang pito ang sugatan matapos magkarambola ang apat na sasakyan sa Lipa-Ibaan Road, sa Barangay Mabini, Lipa City dakong alas-9:00 noong Lunes ng gabi.

Nagsimula ang karambola matapos na araruhin ng isang humahagibis na kotseng Toyota Vios na minamaneho ng isang menor de edad na estudyante, ang dalawang tricycle.

Ayon sa report ng Lipa City Police at base sa kuha ng CCTV ng isang establisyemento sa lugar, unang sinalpok ng kotse ang isang nakahintong tricycle sa kanto na tatawid sana sa highway.

Sa lakas ng pagkasalpok, tumilapon ang tricycle sa bahay na nasa gilid ng kalsada samantalang bumaliktad ang kotse.

Muntik na ring mahagip ng kotse ang dalawang nasa unahan niyang  motorsiklo na tila siyang iniwasan nito kaya halos sa gutter na ito dumaan.

Maging ang isang bystander na nakatayo sa tabi ng nakahintong tricycle ay muntik na ring mahagip.

Nasalpok din ng bumaliktad na kotse ang sinundang tricycle na nasa unahan ng dalawang iniwasang motorsiklo.

Nakaladkad ito ng kotse patungo sa kabilang lane kaya bumangga ang mga ito sa kasalubong na motorsiklo na minamaneho ng 37-anyos na pulis na si PSSg. Niño Ian Leynes na isa sa mga nasugatan.

Namatay ang 17-anyos na binata na nagmamaneho ng kotse matapos na ito ay tumilapon sa labas nang bumaliktad ang sasakyan.

Sugatan din ang driver ng unang nasalpok na tricycle na si Jomel Loto, 22-anyos at ang sakay na misis nito na si Maria Claudine Loto, 24-anyos.

Malubhang nasugatan naman ang mga sakay ng ikalawang tricycle na sina Melvin Belino, 43, na siyang driver, at mga sakay na sina Marilou Belino, Nancy Macuha at Richelle Macuha.

Isinugod ng nagrespondeng mga tauhan ng Lipa CDRMO at Lipa PNP ang lahat ng nasaktan sa Lipa City District Hospital at sa Divine Love General Hospital. Subalit idineklarang dead on arrival ang driver ng kotse. (NILOU DEL CARMEN)

106

Related posts

Leave a Comment