CAMP ELIAS ANGELES, San Jose, Pili, Camarines Sur – Ginimbal ang mga residente ng magkakasunod na pag-atake ng hinihinalang Communist Terrorist Group (CTG) na gumamit ng ipinagbabawal na anti-personnel mines (APMs) sa Masbate nitong Marso 22.
Ito’y kasunod ng naitalang magkahiwalay na engkwentro sa nasabing lalawigan. Una rito ay sa Barangay Locso-on, Placer, kung saan dalawang sundalo ang nasugatan habang isang M16 rifle at tatlong magazine ang narekober ng tropa ng pamahalaan matapos ang pangyayari.
Kasunod nito, ay dalawang pulis rin ang nasugatan sa Barangay Gaid sa bayan ng Dimasalang matapos pasabugan ng teroristang grupo.
Labis namang naapektuhan ang mga sibilyan sa inatakeng komunidad lalo pa’t nagdala ito ng takot at trauma sa mga guro at mag-aaral.
Ayon kay Major General Adonis Bajao, Commander ng 9th Infantry (Spear) Division, Philippine Army at Joint Task Force Bicolandia, hindi na makatarungan ang ginagawa ng CTG dahil wala na silang pinipiling lugar sa paghahasik ng karahasan at wala na ring pakialam kung sino ang madadamay sa kanilang walang pakundangang pagpapasabog na malinaw na paglabag sa International Humanitarian Law (IHL).
Muli naman nagpaalala ang Heneral sa publiko na mas maging maingat at mapagmatyag sa kapaligiran at agad magbigay impormasyon sa kinauukulan ukol sa mga kaduda-dudang kilos sa kanilang lugar. (JESSE KABEL RUIZ)
192