PINASALAMATAN ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang Philippine Navy-Naval Command Western Mindanao (NCWM) sa matagumpay na mga operasyon laban sa smuggling na nagresulta sa pagkakasamsam ng mahigit ₱4 bilyong halaga ng hinihinalang kontrabando at mga puslit na produkto sa Western Mindanao mula Setyembre 11 hanggang Oktubre 3, 2026.
Kabilang sa mga operasyon ng NCWM ang pagharang sa dalawang barkong may kargang 20,000 metric tons ng bigas mula Vietnam na tinatayang nagkakahalaga ng ₱700 milyon. Naharang ang mga barko dahil sa mga kwestyonableng dokumento at kinanselang permit.
Ayon kay Nepomuceno, malaking tulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling ang mga operasyon ng Philippine Navy, partikular sa pagbabantay sa mga karagatan na ginagamit sa pagpapasok ng mga ilegal na produkto sa bansa.
“Sa ngalan ng Bureau of Customs, taos-puso akong nagpapasalamat kay Rear Admiral Constancio Arturo Reyes Jr. at sa buong Naval Command Western Mindanao ng Philippine Navy para sa inyong matagumpay na operasyon laban sa smuggling.
Ang pagkakasamsam ng mahigit ₱4 bilyong halaga ng kontrabando ay nagpapakita ng inyong dedikasyon at malasakit sa paglilingkod sa bayan.
Malaki ang naitutulong ng inyong mga operasyon sa mas malawak na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at sa pagpigil sa pagpasok ng mga ilegal na produkto sa ating bansa,” ani Nepomuceno.
Binigyang-diin din ng Customs chief ang mahalagang papel ng Philippine Navy sa pagbabantay sa mga karagatan at pagpigil sa paggamit ng mga rutang pandagat para sa smuggling at iba pang ilegal na aktibidad.Sinabi ni Nepomuceno na bagama’t nakatuon ang mandato ng BOC sa mga pantalan at iba pang lugar na sakop ng ahensya, malaking ambag ang mga operasyon ng Philippine Navy sa pagbabantay sa mga rutang pandagat na ginagamit ng mga smuggler upang maipasok ang mga kontrabando sa bansa.
(JESSE RUIZ)
136 