CLICKBAIT ni JO BARLIZO
UMARANGKADA na nga ang kampanya ng mga lokal na kandidato para sa Halalan 2025.
Katulad ng nagdaang mga panahon ng panunuyo ng mga politiko sa mga botante, muling niligalig ang paligid ng sa banda rito, sa banda roon ng mga sasakyang naghuhumiyaw ng mga jingle ng kandidato.
At syempre, bola rito, bola roon na naman ang inaatupag ng mga kandidato.
‘Mayroon na namang lalangoy sa dagat ng basura’ at kung ano-ano pang drama.
Umuulan ang mga T-shirt at iba pang anyo ng pinamimigay.
Parang pista na naman sa kalsada. Kailangang paldo ang bulsa ng kandidato.
‘Pag napadaan nga naman sa umpukan ay dapat may bigay na pampainit. Hindi na gin o empe. Alfonso na ang pinabubulusok. Paminsan-minsan lang daw eleksyon kaya dapat ‘yung suwabe ang daraan sa lalamunan. Ngunit madadala ba ng espiritu ng alak, souvenir items na nakaukit ang pangalan at mukha ng kandidato, at higit sa anopaman ang pakimkim para tumango ang sinusuyong botante?
Wala naman daw kasing mababago kahit sino ang umupo. Ngunit, bakit tuwing halalan, laging ibinibida ang boses ng kabataan? Mahalaga ang boses ng kabataan tuwing halalan. Natural, ngunit ang kahalagahan ng boses ay nasasayang dahil sa maling pagpili.
Wala ‘yan sa edad ng mga botante. Nasa tamang pagboto ‘yan. ‘Yung ginagamit ang isip sa pagpili ng tamang kandidato na ang interes ay para maglingkod sa tao at bayan, hindi sa personal na kaunlaran.
Nakatakdang bumoto ang 18.3 milyong Gen Z o yaong 18-28 taong gulang. Nasa 23.1 milyong millennials naman ang rehistradong bumoto. Sila yung edad 29-44.
Huwag balewalain ang mga senior citizen, na 11,473,736 ang botante. May say rin ang mga indigenous people, na kahit 951,870 botante lamang ay malaki ring panukod.
Sa iba, isang araw lang ang eleksyon. Paglipas nito ay balik sa dati ang baybay ng buhay.
Tuwing halalan lang sila may pakialam. Sabagay, tuwing halalan lang nagpaparamdam ang mga politisyan.
Kaya ba bara-bara na lang ang pagpili ng mga mamumuno sa bayan?
Paulit-ulit, pabalik-balik, ganyan na ang mga tumandang politiko sa Pilipinas pero parang may kung anong magnet sila na patuloy dinidikitan ng mga botante.
Laging isinisigaw ang pagbabago pero wala naman atang gustong magbago pagdating sa pagpili ng kandidato.
