UMAPELA si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate sa iba pang celebrities na lumantad at magsalita sa mga isyung panlipunan at huwag matakot sa pagrered-tag ni Southern Luzon Command (SolCom) chief Major General Antonio Parlade Jr.
Ginawa ni Zarate ang pahayag sa gitna ng pagred-tag umano ni Parlade sa mga celebrity na sina Liza Soberano, Angel Locsin at dating Miss Universe Catriona Gray matapos magsalita ang mga ito hinggil sa mga karapatan ng kababaihan at kabataan.
“We are glad that celebrities like Liza, Catriona Gray and Angel Locsin among others are using their fame and stature to speak up for the marginalized and the exploited. We hope that more celebrities would stand up against oppression,” ani Zarate.
Hindi aniya dapat matakot ang mga ito kay Parlade at maging sa National Task Force –End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) dahil kung hindi ay lalong lalala ang pang-aabuso at paglabag sa karapatang pantao sa bansa.
Unang inakusahan ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas si Parlade na siyang nasa likod ng pagrered-tag kay Soberano matapos magsalita ang actress sa online Gabriela Youth Forum noong Oktubre 13, kung saan pinag-usapan ang mga isyu sa pang-aabuso sa kababaihan at kabataan.
Pinalagan ng iba’t ibang grupo kasama na ang mga taga-showbiz industry, youth group at iba pang mambabatas ang pagrered-tag ni Parlade kay Soberano dahil nalalagay umano sa panganib ang buhay ng actress.
“Anybody and everybody should speak out against abuse and not let them be until they are extinguished,” ayon pa sa mambabatas upang matutunan umano ng mga tulad ni Parlade na igalang ang karapatan ng mamamayan.
Hindi umano dapat maging ignorante ang lahat tulad ng gustong mangyari ni Parlade kaya pinagdidiskitahan nito ang mga kabataan, urban poor, lumad at iba pa na nagpapahayag ng kanilang damdamin sa mga isyung panlipunan.
Ayaw mag-sorry
Kaugnay nito, wala naman umanong plano si Parlade na humingi ng paumanhin kay Soberano sa isyu ng “red-tagging”.
Sinabi ni Parlade na tinawagan umano siya ng abogado ni Soberano at nagpapasalamat ito sa kanya at ang pamilya ng aktres dahil iminulat nito kung ano talaga ang tunay na agenda ng makakaliwang grupo gaya ng Gabriela sa pangangalap ng suporta sa mga sikat na personalidad.
Dahil dito, sa tingin ng opisyal ay wala umano siyang dapat ihingi ng paumanhin sa aktres.
Magugunitang hinimok ni Parlade si Soberano na itigil ang pagsuporta sa Gabriela.
Ito ay kasunod ng paglabas ni Soberano sa webinar ng Gabriela Youth na may titulong “Mga Tinig ni Nene: Reclaiming Our Voices on the International Day of the Girl Child”.
Ayon kay Parlade, dapat malaman ni Soberano ang totoong agenda ng party-list group.
Subalit patuloy na umaani ng batikos si Parlade dahil sa umano’y red tagging style nito.
“Huwag i-red tag pero bakit may himig ng pagbabanta at pananakot? Tanong ng supporters nina Soberano at maging nina Catriona Gray at Angel Locsin na hindi pinalagpas ni Parlade.
“Let us not red-tag Liza Soberano. It’s not fair to her. She is merely supporting advocacy for women’s rights. She has to be protected in the exercise of her rights,” ani Parlade sa unang bahagi ng kanyang pahayag na na-post sa Facebook page ng NTF-ELCAC.
Subalit sa sumunod na talata: “Is she an NPA [New People’s Army]? No, of course not. Not yet.”
Mistulang binantaan din umano ng opisyal si Soberano sa pahayag nito na baka magaya ito sa ibang nalinlang ng komunistang grupo na namatay sa maling ipinaglalaban o maabusong sekswal ng mga kasamahan.
“Liza Soberano, there’ s still a chance to abdicate that group. If you don’t, you will suffer the same fate as Josephine Anne Lapira @ELLA, former Deputy Secretary General of Gabriela Youth of UP, Manila and defender of women’s rights, even against sexual predators amongst her comrades in the NPA unit she joined which is clearly stated in her handwritten letter addressed to a certain @EMIL”.
Inulit ni Parlade ang babala sa iba pang celebrities na hayag na bumabatikos sa pamahalaan gaya nina beauty queen Catriona Gray at actress Angel Locsin. (BERNARD TAGUINOD/JESSE KABEL)
210 