Chinese militia ships naitaboy AFP, PCG SINALUDUHAN SA SENADO

(NOEL ABUEL)

SINALUDUHAN ni Senador Panfilo Lacson ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine Coast Guard (PCG) sa matagumpay na pagtataboy sa Sabina Shoal sa West Philippine Sea (WPS) sa ilang barko ng Chinese militia.

Ayon kay Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense, umaasa ito na itutuluy-tuloy ng dalawang puwersa ng pamahalaan ang masigasig na pagbabantay sa mga bahagi ng WPS na lehitimong pag-aari ng Pilipinas.

Sinabi ng senador na kailangang palaging alerto at listo ang puwersa ng PCG at AFP na nakatalagang magbantay sa mga bahaging pag-aari ng Pilipinas upang hindi sila masalisihan dahil hindi malayong pumasok ang mga dayuhan kapag sila ay nakalingat.

“We must not let our guard down. Since the 1990s, China has already made three incursions into our exclusive economic zone (EEZ): Scarborough Shoal, Panatag Shoal and now, Julian Felipe Reef. They are likely to do so again if we relax,” pahayag ni Lacson.

Sa mga impormasyong inilabas ng National Task Force for the West Philippine Sea, binanggit ng mambabatas na nasa pitong Chinese militia vessels ang namataaan sa bisinidad ng Sabina Shoal, tinatayang 130 nautical miles sa kanluran ng Puerto Princesa, Palawan nitong huling bahagi ng Abril.

Napilitan lamang na lumisan ang mga Chinese vessel matapos lapitan ng PCG at bigyan ng babala hinggil sa pagpasok nila sa teritoryo ng Pilipinas.

 

Hamon kay Duterte

Samantala, isang mambabatas sa Kamara ang mistulang humamon kay Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng usapin sa pinag-aagawang teritoryo.

“Magpaka-Pilipino ka naman President Duterte,” ang mensahe ni ACT party-list Rep. France Castro matapos maliitin ng pangulo ang panalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) laban sa China sa West Philppine Sea (WPS).

“May ipinangako man o wala si presidente noong siya’y kumakandidato na obvious naman na meron, tungkulin niyang depensahan ang soberanya at ang exclusive economic zone ng Pilipinas. So sa puntong ito, hinahamon natin siya. Magpaka-Pilipino ka naman President Duterte,” ani Castro.

Sa kanyang Talk to the People, Miyerkoles ng gabi ay sinabi ni Pangulong Duterte na isang literal na papel lamang umano ang naging panalo ng Pilipinas at itatapon umano niya ito sa basurahan.

“Napakatindi ang pahayag na “yan,” komento naman ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate kaya dapat umanong kondenahin ito ng sambayanang Filipino dahil tungkulin ng pangulo na ipagtanggol ang bansa laban sa mga dayuhang mananakop.

Hindi umano inaasahan ng mambabatas na sasabihin ito ni Pangulong Duterte kaya nangangamba ito na mas lalong magiging agresibo ang China na sakupin ang buong teritoryo ng Pilipinas sa nasabing rehiyon.

Ganito rin ang pahayag ni Rep. Eufemia Cullamat kaya asahan na aniya na lalong mawawalan ng karapatan ang mga Filipino sa sariling teritoryo sa mga susunod na araw.

Nilinaw rin ni Cullamat na hindi itinuturing ng mga Filipino na utang na loob ang isang milyong bakuna na ibinigay ng China kung ang kapalit naman ito ay teritoryo at kabuhayan.

 

Minaliit

Nauna rito, sinabi ni Pangulong Duterte na ang arbitral victory ng Pilipinas noong 2016 laban sa malawak na pag-angkin ng China sa West Philippine Sea na nakadulog sa United Nations ay “isa lamang papel na maaaring itapon sa basurahan.”

“Sa totoong buhay, ‘yang papel, wala ‘yan… Sa usapang bugoy, sabihin ko sa’yo, ibigay mo sa akin, sabihin ko sa’yo p_ng ina papel lang ‘yan.

Itatapon ko ‘yan sa waste basket,” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk To The People.

Taong 2013 nang hamunin ng Pilipinas ang legal na basehan ng China para sa ‘expansive claim’ nito sa Permanent Court of Arbitration sa The Hague, Netherlands, nanalo ang Pilipinas sa kaso nito sa landmark award noong 2016 matapos na ipawalang-bisa ng tribunal ang panggigiit ng Beijing.

Tinanggihan ng China ang nasabing ruling sabay sabing ang kanilang pag-angkin ay mayroong historical basis at “indisputable.”

Samantala, muling kinastigo ni Pangulong Duterte si dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, sabay sabing wala siyang balak na muling dumulog sa UN at igiit ang pagkapanalo ng Pilipinas sa China dahil pag-aaksaya lamang ito ng panahon at oras at makasisira sa magandang relasyon ng dalawang bansa. (May dagdag na ulat sina BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

140

Related posts

Leave a Comment