PLANONG paimbestigahan ni Senate President Vicente Sotto III ang pagkakait ng Food and Drug Administration (FDA) na gamitin ang gamot na Ivermectin laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Inilabas ni Sotto ang kanyang plano dahil hindi niya nagustuhan ang desisyon ng FDA na huwag ibenta sa mga botika ang Ivermectin.
Mahigit isang linggo na ang nakalipas nang aminin ni Sotto na umiinom siya ng nasabing gamot kada dalawang linggo makaraang makumbinsi siya ng ilang kaibigan hinggil sa “mataas na bisa” nito laban sa COVID-19.
Hindi maintindihan ni Sotto kung bakit inaprubahan ng FDA ang mga mamahaling gamot laban sa COVID-19, subalit todo-tanggi sa Ivermectin na P35 lang ang halaga kada isa.
Ayon sa Department of Science and Technology (DoST), mahigit dalawampu na ang isinagawang clinical trial sa Estados Unidos upang malaman kung totoong mabisa ang Ivermectin sa COVID-19.
Gagastos na rin ang DoST ng P22 milyon upang simulan sa Hunyo ang clinical trials para rito at ang pondo ay manggagaling sa Department of Health (DOH).
Maglulunsad ang DoST ng pagsisiyasat tungkol sa bisa ng Ivermectin laban sa COVID-19 makaraang aprubahan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kaugnay nito, umaasa si Pangulong Duterte na ang local clinical trials ng Ivermectin ay magpapakita na ito’y ligtas at epektibo ‘for human use’ laban sa COVID-19.
Sa kanyang Talk To The People, Miyerkoles ng gabi ay sinabi ng pangulo na naniniwala siya na dapat ay may katotohanan sa pagiging epektibo ng Ivermectin dahil may ilang doktor ang handang itaya ang kanilang integridad para lamang magamit ito sa kanilang mga pasyente.
“Maraming doktor bumilib diyan e. Kaya baka, if there are doctors willing to put out their neck on the chopping board, ipusta nila ang integrity nila, so there has to be some truth in it. Or at least ang medisina or whatever it is, has an effect in fighting Covid or building the antibodies in your system,” ayon sa pangulo.
Kapag naipakita na ang clinical trials sa anti-parasitic drug ay ligtas at epektibo, sinabi ng pangulo na ang Ivermectin ay maaari para sa “palliative care” na nakatuon sa pagbibigay ng kaginhawaan sa pasyente na nakararamdam ng sakit at iba pang sintomas ng seryosong karamdaman.
“Maski ano nalang, palliative na hindi ka mahawa kaagad . There has to be an effect in that thing there that is being introduced into your body,” ayon kay Pangulon Duterte.
Aniya pa, naghihintay siya ng clinical trials na magpapakita ng gumagana ang gamot sa COVID-19 patients sa bansa.
Umaasa rin ang punong ehekutibo na bibigyan ng bigat ng mga eksperto ang malakas na paniniwala ng ilang doktor na ang Ivermectin ay makagagamot ng pasyenteng may COVID-19.
Nauna rito, ipinag-utos ng pangulo sa DOST, DOH at FDA na magsagawa ng local trials para sa paggamit ng Ivermectin.
Ayon kay Philippine Council for Health Research and Development (PCHRD) executive director Jaime Montoya na itutuloy ng DOST ang clinical trials ng Ivermectin ‘for human use’ laban sa COVID-19.
Sinabi naman ni Food and Drug Administration (FDA) Director-General Eric Domingo, inaasahan ang local clinical trials ay makukumpleto sa loob ng anim hanggang walong buwan habang ang international clinical trials ay maaaring makumpleto sa susunod na isa hanggang dalawang buwan.
Samantala, nahati naman ang medical community kung ang Ivermectin ay kailangan ibigay sa COVID-19 patients o hindi. Paalala ng ilan sa mga ito sa publiko, “there is a lack of data and evidence on its efficacy against COVID-19”. (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE)
158 