SINIMULANG ipatupad agad, ilang oras matapos ang pulong ng MMDA, ang pinaiksing curfew sa lungsod ng Pasay simula alas dose ng hatinggabi hanggang alas kwatro ng madaling araw.
Nilagdaan ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang naturang kautusan kahapon ng hapon alinsunod sa Executive Order Number 62 series of 2020.
Ang mabilis na hakbang ni Mayor Emi ay bunsod ng anunsyo kahapon ni MMDA General Manager Jojo Garcia na nagkaisa ang 16 mayor sa Metro Manila na ibaba ang curfew mula alas dose ng hatinggabi hanggang alas kwatro ng madaling araw.
Ayon kay Mayor Emi, layunin ng naturang kautusan na unti-unting mabuksan ang ekonomiya ng lungsod sa kabila ng mahigpit pa ring pagpapatupad ng health protocols.
Inaasahan ni Mayor Emi na makatutulong ang pagpapaikli ng curfew hours sa mga negosyante sa kanyang lungsod, gayunman, kaakibat aniya ang responsibilidad ng mga pinayagang establisimyento na mahigpit na ipatupad ang health protocols kagaya ng pagsusuot ng facemask at faceshield; paglalagay ng alkohol at pagkuha ng temperatura bago pumasok ang customer o mga tao sa establisimyento.
Sa 16 na siyudad at isang bayan sa Metro Manila, tanging ang lungsod ng Navotas ang tumanggi sa pinaiksing curfew hours. (DAVE MEDINA)
275 