DEPENSA NG SMC SA MGA BATIKOS: BULACAN AIRPORT, REDEVELOPMENT HINDI RECLAMATION PROJECT

SA kabila ng kaliwa’t-kanan na pagpuna sa itinatayong New Manila International Airport o Bulacan International Airport na isa umanong reclamation project, iginiit ni Ramon S. Ang, President at Chief Executive Officer ng San Miguel Corporation (SMC), na ang nasabing proyekto na itinatayo sa coastal area ng Bulacan ay redevelopment project.

Sa panayam ng Bulacan media-based sa top head ng SMC, sinabi ni Ang na ang lupang pinagtatayuan ng airport ay existing na at ito ay deklarado noon bilang mga titled land kung saan pagkalipas ng maraming taon ay unti-unting lumubog sa tubig at pagkaraan ay tuluyan nang ginawang mga fishpond.

Bukod sa mga paliwanag ni Ang ay nagpakita rin sila ng mga litrato at video presentation kung saan, ayon kay Jimmy Lu, VP and Overall Project Manager of SMC’s Better River PH, ay maaaring makita sa Google Earth ang Bulacan Airport site noong 2008, na isa itong land mass at residential na patunay na hindi ito reclamation.

Patunay rin umano ito, ayon kay Ang, na taliwas sa sinasabi ng mga kritisismo sa social media na gumagamit ng pekeng mga pagkakakilanlan, na reclamation project ang airport.

Giit ni Ang, paninira lamang ito ng kanyang mga kalaban sa negosyo.

Dahil dito, inanunsyo ni Ang na magbibigay siya ng halagang P1-million reward sa sinomang makakapag-identify sa mga taong nagtatago sa pekeng identification sa social media at nagpapahayag ng maling impormasyon sa publiko kaugnay ng konstruksyon ng airport upang masampahan nila ng kaukulang kaso.

“Kung sino sa inyo ang maka-identify kung sino ‘yang ‘Juan Dela Cruz’ na naninira… bibigyan ko ng isang milyong reward at idedemanda, kasi cybercrime ‘yan,” wika ni Ang.

Hinamon din ni Ang mga mga kritikong ito na lumantad at magpakilala nang sa gayon ay harapan silang magpaliwanagan hinggil sa puna sa airport.

Nabatid na patuloy ang ginagawang kilos-protesta ng ilang grupo laban sa pagtatayo ng Bulacan Airport na anila ay isang reclamation project na nagdudulot ng pagbaha sa kalapit-lugar nito na tahasang pinabulaanan ng SMC.

Napag-alaman na noong taong 1972 ay ipinanukala ni noon ay Bulacan First District Representative Teodulo Natividad, ama ng ngayon ay Malolos City Mayor Christian Natividad, ang House Bill No. 4746, isang certified bill ng Malacañang, na naglalayon na i-relocate ang Manila International Airport (MIA) at bumuo ng napakalaking airport complex sa Bulacan.

Ang original vision na ito ni Cong. Natividad para sa isang paliparan sa Bulacan ay nagsilbing pasimula sa nasabing lugar.

Gayunpaman, ang plano ay hindi nagpatuloy noon dahil sa pagpapalit ng government leaders, priorities, at external funding commitments.

Pagkaraan ng apat na dekada, ang konsepto ay naging reyalidad dahil sa pagtatayo ng New Manila International Airport o kilala rin bilang Bulacan International Airport.

Ang Bulacan Airport ay itinatayo sa 2,500 ektaryang land development na nagkakahalaga ng halos P740-billion na kayang tumanggap ng 35-milyong pasahero taon-taon na siya ring magiging pinakamalaking paliparan sa bansa na may kapasidad na 100-million pasahero kada taon.

(ELOISA SILVERIO)

77

Related posts

Leave a Comment