NAHARANG ng mga awtoridad sa isang checkpoint ang convoy ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nitong Miyerkoles dakong alas-7:30 ng umaga sa Barangay Libertad, Kolambugan, Lanao del Norte.
Binubuo ang convoy ng 23 sasakyan at limang motorsiklo na isinailalim sa verification ng mga tauhan ng Lanao del Norte Police Provincial Office at Philippine Army.
Ayon sa ulat ni Lanao del Sur Police Provincial Office Director Police Colonel (PCOL) Leo De Leon Sua, walang naipakitang kaukulang dokumento o patunay ng prior coordination sa kinauukulan ang mga miyembro ng MILF 131st Brigade nang harangin sa checkpoint.
Dahil dito, maayos na pinabalik ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang convoy sa kanilang pinanggalingan sa Picong, Lanao del Sur.
Ayon kay Sua, layunin ng hakbang na matiyak ang kaligtasan ng publiko at mapanatili ang peace and order habang iginagalang ang umiiral na peace mechanisms.
Hinimok din ni Sua ang concerned parties na magsagawa muna ng tamang koordinasyon, lalo na sa malalaking convoy, upang maiwasan ang hindi pagkakaunawaan at iba pang insidente.
(TOTO NABAJA)
71 