KINALAMPAG kahapon ng ilang grupo ang Korte Suprema para hilingin na ituloy ang Bangsamoro elections sa Oktubre.
Gayundin, nagpasaklolo ang grupong Truth and Justice Coalition, kasama si dating Presidential Anti-Corruption Commission Chairperson Greco Belgica upang himukin ang mga mahistrado ng SC na ikonsidera ang tuluyang pagresolba sa isyu ng Impeachment.
Una nang nagprotesta ang isang grupo upang idulog ang kanilang hinaing at maging ang pagsuporta sa gaganaping Bangsamoro Parliamentary Elections 2025.
Ayon kay Atty. Lanang T. Ali, Jr, Member of the Parliament ng Bangsamoro Transition Authority na dapat itong matuloy sa darating na Oktubre.
Aniya’y suportado nila ang pagsasagawa ng eleksyon nang sa gayon kanilang maipakita ang boses ng mamamayan na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Kasabay naman nito ang kanilang paghahain ng petisyon upang hamunin kung naayon sa Konstitusyon ang pagsasabatas ng Bangsamoro Autonomy Act No. 77 o ang Bangsamoro Parliamentary Redistricting Act of 2025.
Ani Atty. Lanang T. Ali Jr, labag umano ito sa batas dahil sa ito’y ‘gerrymandering’ o pinagsama-sama ang mga distrito o munisipyo na aniya’y pabor sa interes ng iilan.
Samantala, layon naman sa liham ng grupo ng Truth and Justice Coalition na hikayatin ang mga mahistrado na ikonsidera ang tuluyang pagresolba sa isyu ng impeachment.
Naniniwala ang grupo na ang impeachment complaint kontra kay Vice President Sara Duterte ay ‘unconstitutional’ dahil sa naging paglabag umano sa ‘equal protection clause’.
Kaya dapat aniyang maitaguyod ang integridad at kalayaan ng hudikatura sa kabila ng mga isyu sa desisyong patungkol sa impeachment.
(JULIET PACOT)
108 