DISIPLINA AT PAGTUTULUNGAN LABAN SA BAHA

LINAWIN NATIN ni ARDEE DELLOMAS

TUWING tag-ulan, mamamayan ang unang tinatamaan ng baha. Ngunit hindi dapat iasa na lamang sa gobyerno ang pagresolba sa suliraning ito. May magagawa tayo bilang mamamayan na makatutulong sa paglutas sa matagal nang problemang ito.

Ang baha ay hindi lamang kasalanan ng gobyerno o ng ulan. Sinasabing ang 70% ng baha sa Metro Manila at mga siyudad ay dahil sa mga basura at baradong kanal. Kaya malaki talaga ang bahagi natin sa nasabing problema sa baha.

Ano ang maaari nating gawin bilang mamamayan? Pangunahin dito ang hindi pagtatapon ng basura sa kung saan-saan. Ang pagtatapon ng mga basura katulad ng plastik, diaper, face mask, yosi ay nagdudulot ng pagbara sa mga daluyan ng tubig katulad ng mga estero at kanal. Itigil na ang iresponsableng pagtatapon ng basura. I-segregate at itapon sa tamang oras ng pagdating ng truck.

Maaari rin tayong magkusang magtanggal ng bara at linisin ang kanal sa harap ng ating bahay. Tanggalin ang mga tuyong dahon at basura bago bumuhos ang ulan.

Mahalaga ring magtanim at mag-alaga ng mga puno o halaman. Mas maraming puno = mas maraming sisipsip ng tubig. Kung may bakante sa bakuran, gawing garden imbes na isemento lahat.

Mainam din ang pagsasagawa ng rainwater harvesting. Maglagay ng drum para saluhin ang tubig-ulan mula sa bubong. Gamitin pandilig o pang-flush ng inidoro. Makababawas ito sa daloy sa kanal.

Maaari ring sumali sa isinasagawang clean-up drive sa inyong komunidad o barangay. Sa pagsasagawa ng monthly clean-up sa barangay ay makatutulong tayo sa paglilinis ng paligid upang bumilis na humupa ang tubig sa mga kalsada.

Makatutulong din ang bawat isa sa pagre-report ng mga baradong kanal at ilegal na pagtatapon ng basura. Itawag sa barangay o sa 8888 hotline ang mga taong nagtatapon ng basura sa ilog o kanal.

Iwasan ang pagsusunog ng basura. Bukod sa nagdudulot ito ng polusyon, ang abo at nasunog na plastic ay napupunta sa kanal kapag umulan.

Dapat ding disiplinahin natin ang ating sarili. Huwag magtapon sa mga ilog o estero. Kahit ang pagtatapon ng isang balot lamang, ‘pag ginawa ito ng isang milyong katao, maaaring makalikha ng gabundok na basura.

Iwasan din ang paggamit ng single-use plastic. Magdala palagi ng eco bag at tumbler. Mas kaunting basura, mas kaunting bara.

Maging alerto at maging handa sa lahat ng oras. Alamin kung binabaha ang lugar n’yo. Maghanda ng go-bag, at isama rito ang importanteng documents na naka-plastic.

Kahit gaano kaganda ang flood control projects ng gobyerno, kung barado ng mga basura ang mga kanal ay babaha pa rin.

Ngunit dapat ding sumabay ang gobyerno sa pagkilos. Maaaring magpatupad ang gobyerno ng desilting ng ilog, pagsasaayos ng mga drainage, relokasyon sa waterways, at maglagay ng early warning system. Pero habang hinihintay natin ‘yun, hindi tayo pwedeng nakaupo lang.

Kasama ng gobyerno, ang pinakamalakas na sandata natin laban sa baha ay disiplina at pagtutulungan.

Tandaan: ang simpleng hindi pagtatapon ng basura at paglilinis ng mga kanal o estero, ay maaaring makaligtas ng buhay.

97

Related posts

Leave a Comment