TULUYAN nang tinultudukan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga agam-agam ng publiko kasunod ng paglilinaw na lehitimo at kinikilala ng Department of Health (DOH) ang inilabas na resulta ng drug test na pinangasiwaan ng St. Luke’s Medical Center.
Ayon kay Director Derrick Carreon na tumatayong tagapagsalita ng PDEA, “accredited” ng DOH ang St. Luke’s, maging ang kanilang mga isinasagawang drug test, partikular sa resulta ng pagsusuring kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Giit ni Carreon, hindi limitado sa mga pagamutan at mga tanggapan ng gobyerno tulad ng PDEA at mga pampublikong pagamutan ang pangangasiwa ng drug test. Aniya, malinaw na nakasaad sa Republic Act 9165 ang mga polisiya sa pangangasiwa ng drug test at tanging mga resulta lamang mula sa mga kinikilalang medical facilities ang maituturing na legal at lehitimo.
Paglilinaw pa ng opisyal, pwede din namang sila ang magsagawa ng drug test – kung aaprubahan ni PDEA Director-General Wilkins Villanueva.
“PDEA may administer drug tests upon request by any party and approval by the Director General of such request,” ani Carreon.
Hindi din aniya obligasyon ng kahit na sinong sumailalim sa drug test na isumite sa kanilang tanggapan ang resulta ng kanilang dinaanan proseso.
“When we said na hindi po tayo repository ng records ng drug test from other testing facilities, ibig sabihin po ay hindi naman required na mag-submit sa amin. Pero kung magbigay sila tatanggapin po as a matter of file/reference,” paliwanag pa ni Carreon.
Boluntaryong sumailalim ang pambato ng Partido Federal ng Pilipinas sa gitna ng mga patutsada ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang hindi pinangalanang presidential aspirant na umano’y gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Ayon naman kay Marcos, minabuti niyang agad na sumailalim sa drug test dahil batid naman niyang hindi siya ang pinupukol ng Pangulo.
“I really don’t feel that I am the one being alluded to. In spite of that, I believe it is my inherent duty as an aspiring public official to assure my fellow Filipinos that I am against illegal drugs,” sambit ni Marcos na nangunguna sa lahat ng political surveys sa bansa.
“This is why I took a cocaine test and the result was submitted to the Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), the office of the Chief of the PNP (Philippine National Police) and the National
Bureau of Investigation. Let me reiterate my assurance to my fellowmen, especially to the supporters of BBM-Sara Uniteam that I am, and will remain, a vigilant anti-illegal drugs campaigner,” dagdag pa niya.
Makaraang isumite ang resulta ng kanyang drug test, nanawagan din ang dating senador sa ibang aspirante na boluntaryong sumailalim sa katulad na proseso – “I’m calling again all elective aspirants to take the drug test to ensure our people, particularly the young generation, that no elected leader is into illegal substances,” pahabol pa ni Marcos.
