SINERTIPIKAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte bilang urgent ang pagpapasa ng dalawa pang batas na magpapalakas sa Anti-Money Laundering law at magbibigay katiyakan sa katatagan ng financial industry ng bansa sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Nais ni Pangulong Duterte ang agarang pagpasa sa counterpart bills House Bill No. 6174 at Senate Bill No. 1412 para makasunod ang bansa sa legal standards para sa anti-money laundering at counterterrorism financing, na itinatag ng makabuluhang international bodies.
“Such compliance will avoid adverse findings against the country which could lead, among others, to increased costs of doing financial transactions, to the prejudice of the business sector and our overseas Filipino workers,” ang nakasaad sa hiwalay na liham ni Pangulong Duterte kina House Speaker Lord Allan Velasco at Senate President Vicente Sotto III na ipinalabas sa media, araw ng Sabado.
Hangad din ng Chief Executive amg agarang pagpapasa sa Senate Bill No. 1849 o “An act ensuring Philippine Financial Industry Resiliency Against COVID-19 Pandemic.”
Ang nasabing hakbang, ayon sa Pangulo sa liham nito kay Senador Sotto ay layong “strengthen financial initiatives towards national economic recovery and maintain the stability of the financial sector amidst the COVID-19 pandemic.”
Ang mga batas na sinertipikahan bilang urgent ay exempted mula sa rule na nagre-require sa mga mambabatas na pag-aralan ang measure ng tatlong araw bago pa pagbotohan ito.
Ito ang ikatlong pagkakataon ngayong linggo na ang Pangulo ay nagsertipika ng batas bilang urgent.
Nito lamang Miyerkoles ay nais ng Pangulo ang mabilis na pagpapasa sa Senate Bill No. 1844.
Sa ilalim ng Senate Bill 1844, ay magkakaroon ng kapangyarihan ang pangulo ng bansa na i-streamline ang proseso ng pagbibigay ng mga national at local permit, lisensya at sertipikasyon kapag nasa ilalim ng isang national emergency ang bansa.
Binibigyang-diin din ng naturang panukala ang kasalukuyan nang kapangyarihan ng presidente na suspendihin o tanggalin sa puwesto ang mga opisyal o empleyado ng gobyerno na hindi makasusunod sa layunin ng panukala. (CHRISTIAN DALE)
202 