AMINADO si Senate Majority leader Migz Zubiri na nakatatakot ang naging desisyon ng Inter Agency Task Force na luwagan ang ipinatutupad na protocols.
Nangangamba si Zubiri na dahil sa mas maluwag na pagbubukas ng ekonomiya, muling tataas ang bilang ng mga tinamaan ng COVID -9.
“Nakakatakot talaga. Ang nakakatakot dyan baka mag-surge muli ang numero natin, ang Europa nag-2nd wave, nag-lockdown uli,” saad ni Zubiri.
“Nakakatakot and there’s also surge. Ang surge sa probinsya na. Nakakatakot mag-fully open tayo ngayon although naiintindihan ko naman kawawa rin ang ekonomiya,” dagdag ng senador.
Bilang isang COVID 19 survivor, binigyang-diin ni Zubiri na sadyang matindi ang virus dahil kung hindi anya mamamatay sa virus ay mamamatay naman ang tao sa gutom.
“Umaapela tayo sa gobyerno na mauna tayo sa mga bakuna na ilalabas para mabakunahan ang ating mga kababayan para makabalik sa normal ang ekonomiya at trabaho,” diin ni Zubiri.
Kasabay nito, nababahala rin ang senador sa pagtigil ng Red Cross sa pagsasagawa ng swab test dahil sa hindi pa rin pagbabayad ng Philippine Health Insurance Corporation sa utang nito na umaabot na sa P1 bilyon.
“Nakakabahala yan kasi ang Red Cross ang unang frontliner sa testing, halos 60% ng test na inilabas ng DOH galing Red Cross. Sayang naman dahil ang Red Cross nasa buong Pilipinas,” diin ni Zubiri.
“Malaking hadlang ito for testing capability and capacity. We are making an appeal also sa PhilHealth baka pwede nila mapabilis,” diin pa ng senador. (DANG SAMSON-GARCIA)
192 